Anim na estudyante at isang empleyado ang sugatan matapos sumalpok sa lobby ng isang pribadong eskwelahan ang SUV na minamaneho ng isang 70-anyos na senior citizen sa Caloocan.

Sa ulat ni Bea Pinlac sa Unang Balita nitong Biyernes, sinabing uwian na ng mga estudyante pasado 4 p.m. ng Huwebes nang sumalpok at pumasok sa entrada ng isa sa mga gusali ng paaralan ang SUV.

Ayon kay “Grace,” hindi niya tunay na pangalan, nasa labas na ng building ang kaniyang asawa at walong-taong-gulang nilang anak nang biglang humarurot ang SUV.

Magsusundo lang sana ng kaniyang apo ang driver ng SUV.

”Si tatay is magsusundo ng granddaughter niya. Accidentally niya po na naapakan 'yung accelerator ng sasakyan kaya pumasok du’n sa education business building ng naturang school po. Ang natumbok po talaga 'yung female student na 13 years old,” sabi ni Police Captain Romel Caburog, acting chief ng Caloocan Police IDMS.

Isinugod sa ospital ang pitong sugatan, at ang driver ng SUV na sumama umano ang pakiramdam dahil sa pagkabigla, ayon sa pulisya.

Ayon kay Caburog, patuloy na nagpapagaling ang mga biktima, na mga stable na, pati ang driver.

Pagkalabas ng ospital, dumiretso sa traffic sector ng Caloocan Police ang senior citizen na driver.

“Nakahinto na kami sa tapat ng entrance ng school. Pinepreno ko pero hindi ko naman natapakan 'yung silinyador, nag-wild 'yung ano… dire-diretso. Buti nakabig ko sa kaliwa, kung hindi mga bata ang daming madadale roon. Nasa kondisyon naman ako. Hindi naman ako antukin eh. Sana eh, hindi ko naman kagustuhan din 'yung nangyari,” paliwanag ng senior citizen na driver.

Maaari siyang maharap sa reklamong reckless imprudence resulting in multiple physical injuries at damage to property.

Tiniyak naman ng driver ng SUV na handa siyang magpaabot ng tulong sa magiging gastusin ng mga biktima.—FRJ GMA Integrated News