Sinuspinde ang lisensiya at pinagpapaliwanag ang isang lalaking driver matapos niyang pakontrolin sa isang bata ang manibela ng sasakyan habang nakakandong ito sa kaniya.

Sa ulat ni Nico Waje sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, mapanonood ang video na naka-upload sa Facebook page ng Department of Transportation kung saan pinipihit ng bata ang manibela.

Maririnig sa background na may ilang tao rin ang nagtuturo sa bata.

Batay sa DOTr, nangyari ang insidente sa parking area ng isang mall sa Parañaque noong Agosto 12.

Idiniin ng ahensiya na paglabag sa batas na paghawakin ng manibela ang isang bata.

“Unang una bawal ‘yon. Hindi mo puwedeng pagmanehohin ‘yung bata mong anak na walang student permit, tapos musmos pa,” sabi ni DOTr Secretary Vince Dizon sa isang pahayag.

Naglabas agad ng show cause order ang Land Transportation Office (LTO) laban sa driver ng sasakyan.

Pinapaliwanag siya kung bakit hindi siya dapat ireklamo, kasama ang paglabag sa Section 5 ng Republic Act 11229 o Child Safety in Motor Vehicles Act.

“No child twelve (12) years and below of age shall be allowed to sit in a front seat of a motor vehicle with a running engine or while such child is being transported on any road, street or highway, unless the child meets the height requirement,” saad sa batas.

Makakasuhan ang driver ng isang motor vehicle na lalabag dito.

Batay naman sa guidelines ng LTO alinsunod sa batas, dapat na nakaupo ang mga bata sa child restraint system o booster seat na akma sa kanilang edad.

Pinahihintulutan lamang ang mga menor de edad sa front seat kung may taas sila na 4 feet 11 inches. Dapat ding properly secured ang seatbelt.

“Kasi ang problema sa pagiging pasaway, kung may maaksidente, may nadidisgrasya, baka hindi lang mawalan sila ng lisensya, baka may kulong pang kasama ‘yun,” sabi ni Dizon.

Pinasu-surrender na ang lisensya ng driver, na suspendido na ng 90 araw. Sa Agosto 20 ng 11 a.m. pinapupunta ng LTO ang driver ng sasakyan sa opisina nila sa Quezon City para magpaliwanag.

Sinisikap pa ng GMA Integrated News na hanapin at makunan ng pahayag ang naturang driver. —Jamil Santos/VBL GMA Integrated News