Timbog ang anim na kabataan, kasama ang isang menor de edad, dahil sa pagbebenta online ng vape na may halo umanong marijuana sa Quezon City.

Sa ulat ni Jonathan Andal sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, sinabing ikinasa ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) at Department of Trade and Industry (DTI) ang buy-bust operation sa mga kabataan sa isang condominium sa lungsod.

Edad 25 ang pinakamatanda habang edad 17 ang pinakabata sa mga naarestong kabataan.

Mga estudyante ang mga nadakip na Grade 12 hanggang 3rd year college.

“Itong klaseng vape na ito na may cannabis content ay ipinagbabawal. Ito ay ibinibenta po sa online, one month ang ating surveillance dito. Ang mga market nila ay halo-halo, ‘yung mga partygoers, ‘yung mga youth,” sabi ni Police Major Helen Dela Cruz ng CIDG Public Information Office.

May nakumpiska ring party drugs na ecstasy at tatlong sachet na hinihinalang shabu.

Sinabi ng CIDG na siste ng mga kabataan na kapag may buyer, paaakyatin nila ito sa condo unit at doon na rin nagse-session minsan.

Mariing itinanggi ng mga kabataan ang alegasyon.

“Nag-staycation lang po kami,” sabi ng isang lalaking nahuli.

“Wala po talagang alam doon kasi nag-drop lang, dumaan lang ako roon. Hindi ko nga sila kilala,” sabi naman ng isang babaeng nahuli.

“It's so alarming na baka talamak na ito sa ating mga kabataan. So maging mapanuri po sa lahat ng mga ginagamit ng anak. Baka pala itong ibang klaseng vape na pala ang ginagamit ng inyong mga anak. Nandito naman pala sa packaging ng vape na ito, na may cannabis content ito. Tingnan niyo po ito, alarming po ito,” sabi ni Dela Cruz.

Susunod na hahanapin ng CIDG ang supplier ng mga kabataang ito. Ayon sa ahensiya, posibleng smuggled ang mga hindi rehistradong vape.

Sasampahan ng reklamong may kaugnayan sa droga ang mga nadakip habang ang menor de edad, idudulog ng CIDG sa DSWD. —Jamil Santos/VBL GMA Integrated News