Kahit may bodyguard, nasalihan pa rin at natangayan ng bag si Commission on Elections (Comelec) chairperson George Garcia habang nasa loob ng isang restaurant Pasay City nitong Martes. Ang isa sa mga suspek, nasakote sa hot pursuit operation.

Sa ulat ng GMA News “24 Oras” nitong Miyerkoles, sinabing kumakain sa restaurant si Garcia nang tabihan siya ng nasa anim na suspek na nagpanggap na mga customer din.

Nakuha ng mga suspek ang bag ni Garcia na nakalapag sa upuan na may laman na cash, mga ID, at cellphone.

Sinubukan umano ng bodyguard ni Garcia na habulin ang mga suspek pero hindi na inabutan.

Sa tulong ng CCTV camera, natukoy ang pagkakakilanlan ng mga suspek at nasakote ang isa sa kanila na Las Piñas City na isang babae na 44-anyos.

Nabawi ang bag ni Garcia at mga gamit pero wala na ang pera na aabot umano sa P10,000 hanggang P12,000.

Patuloy na hinahanap ng mga awtoridad ang iba pang suspek.—FRJ GMA Integrated News