Sa bisa ng arrest warrant, naaresto ang 53-anyos na lalaki sa Baras, Rizal dahil sa kasong pagpatay umano sa kanyang asawa. 

“Ito pong ating naaresto ay classified po sya as most wanted person ng regional level. So,, matagal na po itong nagtatago, almost 16 years,” sabi ni PMaj. Robert Papa, chief ng Baras Police.

Nangyari raw ang krimen sa bahay ng mag asawa sa Sitio Rizza, Brgy. Pinugay sa Varas noong October 2009. 

Base sa imbestigasyon ng Baras Police, selos umano ang ugat ng pagpatay.

Nagtalo raw ang dalawa at nasakal ng akusado ang kanyang misis hanggang sa ito ay mamatay.

Bago tumakas matapos ang krimen… Pinalabas pa raw ng akusado na nag-suicide lang ang kanyang asawa.

“Para mapagtakpan niya ang krimeng kanyang ginawa ay kanyang sinabit sa puno ang kanyang misis sa pamamagitan po ng alambre o yung tie wire po,” ayon kay papa.

Sa Bicol daw nagtago ang akusado bago bumalik sa baras kamakailan lang.

Mariin namang itinanggi ng akusado ang paratang. 

“Wala po akong pinapatay. Ma’am sa korte na lang po,” sabi niya. 

Sa custodial facility ng Baras Municipal Police station nakakulong ang akusado.  —VAL GMA Integrated News