Nasawi ang isang 27-anyos na babae matapos siyang barilin sa ulo sa Santa Cruz, Maynila. Ang biktima, sinasabing “asset” umano ng mga pulis.

Sa ulat ni Jhomer Apresto sa GMA News Unang Balita nitong Huwebes, sinabing dead on the spot ang biktima na si alyas “Enang,” sa Lope de Vega Street pasado 1 a.m.

Ayon sa isang opisyal ng barangay, na tumangging humarap sa camera, dalawang magkasunod na putok ng baril ang nadinig ng mga tao.

Sinabi ng barangay na hindi nila residente ang biktima ngunit madalas itong tumatambay sa kanilang lugar, at “tauhan” din umano ito ng mga pulis.

Ayon naman ng ina ng biktima, hindi na niya nakakasama anak kaya palaisipan sa kaniya kung sino ang pumatay dito. Hindi rin niya alam kung asset nga ng pulisya ang kaniyang anak.

“Papunta-punta lang po sa bahay ko. Sandali lang po tapos umaalis na. Hindi naman po dapat ginano’n. Unang una may mga anak po ‘yun, tatlo po,” sabi ng ina ng biktima.

Sinabi ng Manila Police District na nagtamo ng dalawang tama ng bala sa ulo ang biktima, na agad niyang ikinamatay.

Posible umanong nakatalikod ang biktima nang pagbabarilin. Wala pang linaw kung mag-isa lang o may kasabwat ang gunman.

Hindi pa tukoy ang mga salarin dahil sira ang CCTV ng barangay sa pinangyarihan ng krimen. Umaasa ang pulisya sa kuha ng CCTV sa katabing hotel na makatutulong sa isinasagawa nilang imbestigasyon.—Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News