Bumuwelta si Vice President Sara Duterte sa birada sa kaniya ng Malacañang na bigo siya bilang kalihim ng Department of Education (DepEd) sa dalawang taon na pamumuno niya sa kagawaran. May patutsada rin siya kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na umaga pa lang ay amoy alak na. Itinanggi naman ito ng Palasyo.

Sa panayam sa The Hague, Netherlands, sinabi ni Duterte na taliwas umano sa naging aksyon ni Marcos noong isumite niya ang kaniyang pagbibitiw bilang DepEd chief, sa sinasabi ng Palasyo ngayon na palpak siya sa kaniyang trabaho.

“He [Marcos] tried to ask me to stay, tapos sabi ko, ayoko na. And then ang sunod niyang ginawa, in-offeran niya ako, ‘May gusto ka ba na [ibang] posisyon?’ Sabi ko, wala akong gustong posisyon. Tapos ang sunod niyang sinabi sa akin, ‘Pwede ka bang tumulong sa midterm elections para sa mga senators?... Gumanon siya. Sabi ko, pag-iisipan ko pero wala pa akong plano para sa 2025 midterm elections ng senators,” pahayag ni Duterte.

Ayon sa pangalawang pangulo, ang naturang mga pahayag ni Marcos ay malinaw umanong pagpapakita na gusto ng huli na irekonsidera niya ang kaniyang pagbibitiw.

“Hindi ‘yun aksyon ng taong tumitingin as failure ako. Aksyon ‘yon ng taong tumitingin na kailangan niya ‘yung trabaho ko. So, hindi ko alam saan nangagaling ‘yung sinasabi nilang failure ako sa Department of Education Secretary,” giit ni Duterte.

Ayon pa kay Duterte, amoy-alak umano si Marcos nang umagang isumite niya ang kaniyang pagbibitiw.

“Amoy alak siya at 10:30 in the morning. Doon ko na-confirm ‘yung desisyon ko na mag-resign. So, hindi ako ang failure. Siguro, ang failure is ‘yung 10:30 pa lang ng umaga, amoy alak ka na,” dagdag pa niya.

Pinabulaanan naman ni Palace Press Officer Undersecretary Atty. Claire Castro, ang alegasyon ni Duterte.

“Walang katotohanan ang mga kuwento niyang ito laban kay Pangulong Marcos, Jr. Madali sa kanilang gumawa ng kuwento at propaganda... Lahat ng kuwento niya ay para siraan ang Pangulo dahil nais niyang pababain ito sa puwesto at siya ang maging pangulo,” sabi ni Castro.

Nitong Miyerkules, tinawag ni Castro “a complete failure'' ang pamamahala ni Duterte sa DepEd, bilang tugon sa pahayag ng bise presidente na nasa antas pa rin ng ''paper and pencil'' ang edukasyon sa Pilipinas kaya napag-iwanan na ng ibang bansa.-- mula sa ulat nina Giselle Ombay/Anna Felicia Bajo/ FRJ GMA Integrated News