Umapela si Education Secretary Sonny Angara sa Department of Public Works and Highways (DPWH) na tulungan ang mga mag-aaral sa lumabas sa ulat na buwis-buhay na tinatawid ang rumaragasang tubig sa ilog gamit ang kable upang makapasok sa kanilang paaralan.
Sa kaniyang sulat kay DPWH Secretary Manuel Bonoan na may petsang August 17, 2025, binanggit ni Angara ang isang ulat sa GMA Regional TV News na makikita ang ilang mag-aaral ng Pinayag National High School sa Sitio Macdu, Barangay Pinayag, sa bayan ng Kayapa.
BASAHIN: Mga estudyanteng ayaw umabsent sa eskuwela, tumatawid sa kable kahit rumaragasa ang baha
Sa naturang ulat, makikita ang ilang mag-aaral na tumutulay sa kable para makatawid sa ilog na nasira ang tulay sa Barangay Latbang dahil sa bagyong Pepito noong November 2024.
BASAHIN: Mag-aaral sa Negros Occ., buwis-buhay sa paggamit ng lumang zipline makarating lang sa paaralan
“Their story is a stark reminder of the broader infrastructure challenges that continue to affect our public school system,” saad ni Angara sa sulat.
"We recognize that sustainable and long-term solutions are urgently needed to make school access safe and reliable,” dagdag niya.
Ayon kay Angara, umaasa ang DepEd na magkakaroon ito ng mas magandang koordinasyon sa DPWH para matiyak na matibay ang mga itatayong mga silid-aralan at daan patungo sa mga paaralan, lalo na sa mga lugar na malalayo at madalas tamaan ng kalamidad.
BASAHIN: Ilang estudyante, lumusong sa ilog habang nakataas ang 1 kamay para ‘di mabasa ang bag
Binigyang-diin ni Angara na ang naturang kahilingan ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na magbigay ng ligtas at matatag na mga lugar para sa mga mag-aaral sa buong bansa.
“We hope that our agencies can continue collaborating when it comes to urgent infrastructure needs in our schools,” ani Angara.
Lumabas ang naturang ulat ng GMA Regional TV noong nakaraang July 7. — mula sa ulat ni Sherylin Untalan/FRJ GMA Integrated News

