Duguan, nakagapos ang mga kamay at paa at wala nang buhay nang matagpuan ang isang lalaki sa kuwarto ng isang hotel sa Cubao, Quezon City.
Sa ulat ni James Agustin sa "Balitanghali" nitong Biyernes, sinabing natagpuan ang biktima bandang 8 p.m. ng Huwebes.
Hindi pa tukoy ang kaniyang pagkakakilanlan, na nasa 30 hanggang 35-anyos, batay sa tantiya ng pulisya.
Lumabas sa inisyal na imbestigasyon na nag-check-in sa hotel ang biktima bandang 8 p.m. ng Miyerkoles. Pagkaraan ng 24 oras, doon na natuklasan ng roomboy ang bangkay ng biktima.
“Lapse na sila sa oras nila, kinatok sila ng roomboy. Nu’ng hindi nagre-response, ginamitan po ng master key. At doon niya natagpuan na wala na pong buhay,” sabi ni Lieutenant Jaevon Ulysses Marigondon, hepe ng Cubao Police Investigation and Detective Management Unit.
Nadatnan ng pulisya na nagkalat ang mga gamit sa kuwarto at may drug paraphernalia rin sa kama.
Patuloy na inaalam ng Quezon City Police District kung sino ang nasa likod ng krimen, at sinusuri na rin ang mga kuha ng CCTV camera sa lugar. — Jamil Santos/BAP GMA Integrated News
