Balik selda ang 48-anyos na lalaking suspek sa basag-kotse modus sa Maynila.
Ayon sa pulisya, nangyari ang krimen sa parking lot ng isang mall sa Tondo bandang 6:30 p.m. noong Linggo.
Binasag daw ng suspek ang kanang bintana ng passenger seat at tinangay ang isang laptop.
“Talagang batikan siyang basag kotse kasi hindi nag-scattered yung window, talagang buo siya, tinutulak lang. Beterano na ito, definitely. Between 2 to 5 minutes, ganun siya kabilis," ayon kay Police Lieutenant Colonel Gilbert Cruz, hepe ng Moriones Police.
Sapul sa CCTV ang pagtakas ng suspek matapos ang krimen.
“Hindi natin nakita yung kanyang mismong actual crime niya pero pag nakita natin, siya lang naman yung naglalakad palabas na unang CCTV. Then paglabas ng mall, nakita na pati yung dala niya na may bitbit na siya. Bag na naglalaman ito ng laptop,” dagdag ni Cruz.
Agad daw nagsumbong ang biktima sa security guard ng mall at nagreport ng insidente sa pulisya.
Makalipas ang apat na oras, natunton ng Moriones police ang suspek sa kanyang bahay sa Tondo.
Narekober sa suspek ang ninakaw na laptop, gayundin ang .48 caliber ng baril at bala nito.
Tikom ang bibig ng suspek ukol sa krimen.
Sa records ng pulisya, dati nang nakulong ang suspek sa Makati noong 2020 dahil din sa basag-kotse modus.
Napag-alaman din na nasa barangay watchlist ang suspek dahil sa mga insidente ng pagnanakaw sa kanilang lugar.
Sa custodial facility ng Moriones police nakakulong ang suspek.
Sasampahan siya ng kasong theft at paglabag sa Republic Act 10591 o Illegal Possession of Firearms and Ammunition. —LDF GMA Integrated News
