Sa bisa ng search warrant, pinasok ng mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC) garahe ng pamilya Discaya sa Pasig City nitong Martes para suriin ang mga mamahalin nitong sasakyan kung may kaukulang mga dokumento. Pero tatlo lang umano ang kanilang nakita sa lugar.

Sa isang ambush interview, sinabi ni BOC Commissioner Ariel Nepomuceno na dalawa lamang sa 12 luxury vehicles na sakop ng search warrant ang natagpuan sa loob ng establisimyento.

Isa pang luxury vehicle na hindi kasama sa search warrant ang nakita nila.

“Ang nandito sa loob ngayon, doon nasa warrant natin, dalawa out of 12. Pero, may nakita kaming isa na wala naman doon sa warrant. ‘Yung dalawa—isang Maserati, isang Land Cruiser. At ‘yung hindi kasali sa warrant, kailangan din naming ngayong imbestigahan—ang Escalade,” ani Nepomuceno.

Sa kabila nito, nananatiling positibo si Nepomuceno na matatagpuan nila ang iba pang mamahaling sasakyan o luxury cars kung saan man ito dinala ng mga Discaya.

“Ngayon, huwag tayong mangamba dahil mahuhuli at mahuhuli naman po natin, saan man po ‘yan itinatago kung itinatago man. Kaya naniniwala ako na ‘yan ay makikita at makikita natin,” sabi niya.

Hinikayat din ni Nepomuceno sa mga Discaya na isuko ang mga luxury vehicle.

Ayon sa kaniya, nakipag-ugnayan na ang BOC sa Philippine National Police-Highway Patrol Group (PNP-HPG) para hanapin ang iba pang luxury vehicles ng mga Discaya.

Sa isang hiwalay na pahayag, sinabi ni Nepomuceno itinuturing ng kawani ang isyu nang may "utmost seriousness."

“We will ensure that these vehicles are located without delay, and if discrepancies are uncovered, all taxes and duties will be collected in full,” sabi niya.

“Let it be clear: those hiding or abetting the concealment of these cars will be punished to the fullest extent of the law. The Bureau is committed to decisive action to protect government revenues, enforce accountability, and uphold the trust of the Filipino people,” dagdag pa niya.

Sa hiwalay na ulat ni Allan Gatus ng Super Radyo dzBB, sinabing matatagpuan sa F. Manalo Street ang mga establisimyento ng Discaya na isinailalim sa search.

Nasa paligid din ang mga tauhan ng Philippine National Police-Highway Patrol Group (PNP-HPG) at Philippine Coast Guard (PCG).
 

Batay sa inisyal na impormasyon mula sa bureau, layon ng search na suriin ang mga mamahaling sasakyan ng pamilya Discaya.

Sa isang pahayag, nangako ang BOC na lalabanan nito ang smuggling at sisiguruhin ang tamang koleksyon ng duties at mga buwis alinsunod sa Customs Modernization and Tariff Act (CMTA).

Kasunod nito ang imbestigasyon ng Senado kung saan nabanggit ang mga mamahaling sasakyan ng mga Discaya.

“The BOC is monitoring and supporting the ongoing investigation of the Senate Blue Ribbon Committee, chaired by Senator Rodante Marcoleta, into the alleged anomalous flood control projects, which also raised issues regarding the luxury vehicles owned by the Discaya family," sabi ng BOC.

“Any irregularity in the importation of luxury vehicles, such as misdeclaration or non-payment of duties and taxes, will be subject to enforcement actions under the CMTA,” dagdag nito.

Sinabi ng ahensiya na hindi niot maaaring ibunyag ang mga detalye ng imbestigasyon ngunit tinitiyak nito sa publiko na naninindigan itong ipatutupad ang batas nang patas, bukas, at may due process.
 

 

Noong Lunes, humarap si Sarah Discaya sa Senate Blue Ribbon Committee at tinanong tungkol sa kaniyang mga kontrata sa Department of Public Works and Highways (DPWH) at ang kaniyang koleksyon ng mga mamahaling sasakyan.

Sa pagsisiyasat, tinanong siya kung totoo bang bumili siya ng Rolls-Royce dahil gusto niya ang payong na kasama nito gaya ng binanggit niya sa isang viral video.

“Sir, yes po.”

At nang tanungin kung magkano ang Rolls-Royce, P42 milyon ang kaniyang sagot.

Sinabi rin ni Discaya sa komite ng Senado ang halaga ng ilan sa mga luxury cars na pag-aari nila ng kaniyang asawa, batay sa kaniyang kaalaman.

Isang Rolls Royce - P42 milyon
Isang Mercedes Benz G63 - P20 milyon
Dalawang Cadillac Escalade - P11 milyon (puti) at P8 milyon (itim)
Isang Chevrolet Suburban - P3 milyon (nagamit na)
One Range Rover Autobiography - P16 milyon
One Range Rover Defender - P7 milyon
One Range Rover  Evoque - P5 milyon

Sinabi ni Discaya na nagmamay-ari din siya ng mga unit na GMC, Maybach, at Bentley.

Idiniin ni Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada tungkol sa iba pang mga sasakyan sa kaniyang koleksyon, gaya ng binanggit niya sa viral videos kung saan mayroon umano siyang higit sa 40 sasakyan, sinabi ni Discaya na, "I can't remember them all."

Bago pumasok sa construction business, sinabi ng dating kandidato sa pagka-alkalde ng Pasig City na nagtrabaho siya sa ibang bansa bilang isang dental receptionist at orthodontic nurse. Contractor din daw ang kaniyang ama at ang kaniyang asawa.—Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News