Nasawi ang isang tatlong taong gulang na bata at kaniyang yaya matapos masunog ang isang paupahang bahay sa Barangay Tinajeros, Malabon. Ang isa pang anim na taong gulang na bata, kritikal ang lagay.
Sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Martes, makikitang labis na natupok ang unang palapag ng bahay na nasunog bago maghatinggabi.
Umabot sa unang alarma ang apoy, na naapula makaraan ang mahigit 40 minuto. Rumesponde ang 12 fire truck.
Sinabi ng residenteng si Ferdinand Boholst na nakaamoy siya noong una na tila may nasusunog na plastic at goma. Pagkasilip niya, malaki na ang apoy sa katabing bahay.
"Pagbaba ko, paglabas ko ng mismong pintuan, apoy na agad sa pintuan ng bahay, napakalakas na. So ang instinct ko, bumalik agad ako ng bahay kasi ‘yung nanay at tatay ko may edad na so sila muna ‘yung pilit kong inilalabas. Tapos nu’ng medyo gising na sila kinalampag ko na itong bahay ng tito ko para manggising ng mga tao,” ayon kay Boholst.
Tulong-tulong ang mga residente na apulahin ng apoy.
"Nakaubos ako ng isang fire extinguisher at may mga drum kami dito buti naman puno. Napagtulung-tulungan namin. Talagang napakainit, ubos ‘yung ibaba," ayon sa residenteng si Jaime Domingo.
Sa kasawiang palad, na-trap sa ikalawang palapag ang dalawang batang babae at kanilang yaya sa kasagsagaan ng sunog.
Idinaan sa terrace ang anim na taong gulang na bata, na nagtamo ng mga paso sa katawan.
"Yung isang bata nakakasigaw pa kanina, naibaba sa bandang labas," sabi ni Domingo.
Natagpuan namang walang malay ang yaya at tatlong taong gulang na bata, ayon sa residente.
"Andu’n sa kutson nila sa sahig tapos 'yung bata nakahiga. Tapos 'yung yaya dinapaan niya, nakatukod 'yung yaya. Pero wala, hindi na sila gumagalaw kaya binuhat ko na 'yung bata, ibinaba ko na. Nakatalukbong ako ng makapal na blanket pero mainit pa rin," sabi ni Domingo.
Dinala ang tatlo sa mga ospital. Ayon sa BFP, pumanaw ang yaya at tatlong taong gulang na bata.
Patuloy na inaalam ng BFP ang sanhi ng apoy.
Kinailangang ilipat ang kritikal na anim na taong gulang na batang babae mula sa ospital sa Caloocan, sa isang ospital sa Maynila. —Jamil Santos/VBL GMA Integrated News
