Nasawi ang isang lalaki matapos pagsasaksakin habang natutulog sa bangketa ng lalaking hinataw niya umano ng tubo sa Ermita, Maynila.
Sa ulat ni Jhomer Apresto sa Unang Balita nitong Miyerkoles, kinilala ang biktima na si Romnick Abion, 32-anyos na nakatakbo pa bago tuluyang bawian ng buhay sa bahagi ng San Marcelino Street pasado 10 p.m. ng Martes.
Sinabi ng barangay na nagsumbong sa kanila ang menor de edad na anak ng biktima, na katabi lang niya noong mangyari ang krimen.
Itinuturo ng menor de edad na nanaksak sa kaniyang tatay ang lalaking nakaaway nito Martes ng umaga.
“Kasi naatasan siya magsita ng street dwellers diyan sa kabilang side ng San Marcelino. Nasita niya ‘yung grupo, pumalag ‘yung taong sumaksak sa kaniya hanggang sa nagsuntukan sila,” sabi ni kagawad Aries Calaustro ng Barangay 660.
Nadakip ang 35-anyos na suspek sa Paco Park. Narekober din ang kutsilyong kaniyang ginamit sa krimen na ibinaon niya pa sa ilalim ng isang puno, at ang gloves at lalagyan ng patalim.
Ayon sa suspek, nag-ikot-ikot siya ng Martes para ibenta ang kaniyang cellphone para may maipambili ng pagkain, hanggang sa mapunta siya sa San Marcelino para magpahinga sana.
Ngunit pilit umano siyang pinaalis ng biktima, hanggang sa nauwi ito sa kanilang suntukan.
Pinalo pa umano siya ng biktima ng tubo sa kaniyang ulo at hita. Matapos nito, kumuha pa umano ng martilyo ang biktima.
Ito na ang nagtulak sa kaniya para planuhing paslangin si Abion.
“Opo intensyon ko po talaga na balikan siya para mabawasan ‘yung mga *** sa kalye. Hindi po ako nagsisisi kasi ganti ko po sa kaniya, kinursunada niya ako. Wala naman po akong ginagawang masama,” sabi ng suspek.
Nahaharap sa reklamong murder ang suspek na nasa kustodiya na ng Homicide Section ng Manila Police District.
Nanawagan naman ang kinakasama ng biktima para maipaalam sa mga kaanak nito sa Bicol ang sinapit ni Abion, dahil mga kamag-anak lamang ang puwedeng kumuha sa bangkay ng biktima sa punerarya.—Jamil Santos/AOL GMA Integrated News
