Inihayag ng isang kontratista na nagdadala siya ng pera na nakalagay sa mga kahon sa isang tanggapan ng Department of Public Works and Highways (DPWH). May isang araw umano na naghatid siya ng pera na umaabot sa P245 milyon.
Inihayag ito ni Sally Santos ng Syms Construction Trading, sa pagpapatuloy ng pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee nitong Lunes na pinamunuan ni Senador Rodante Marcoleta.
Sa naturang pagdinig, tinanong ni Senador Jinggoy Estrada si Santos tungkol sa inihatid umano nitong pera sa DPWH na isang araw ay nagkakahalaga ng P245 milyon.
“Yes, Your Honor. Marami po. Boxes ng mga noodles. Minsan yung P245 [milyon] minsan, hinahati ko lang kasi hindi puwede ang isang bulto,” ayon kay Santos.
Mula 2022, sinabi ni Santos na maaaring umabot sa P1 bilyon ang kabuuang naihatid niyang pera sa DPWH, bilang tugon pa rin sa tanong ni Estrada.
Ayon kay Santos, dinadala niya ang pera sa tanggapan umano ni dating Bulacan 1st district assistant engineer Brice Ericson Hernandez.
“Binababa niya lang sa opisina yung pera na nakakahon, nakasarado ‘yon,” sabi ni Hernandez. “Hindi ko binibigay, kinukuha lang ‘yon ni Alcantara sa office ko.”
Itinanggi naman ni Alcantara ang pahayag ng dati niyang tauhan.
Ang tinutukoy ni Hernandez ay si dating DPWH Bulacan first district engineer Henry Alcantara, na sinibak na kaniyang trabaho.
Sina Hernandez at Alcantara ang dalawang opisyal na madalas umanong maglaro sa mga casino.
Hiraman ng lisensiya
Sa naturang pagdinig, sinabi ni Santos na si Hernandez ang nag-utos sa kaniya na manghiram ng lisensiya ng kontratista para mabigyan ng proyekto.
Nang tanungin kung bakit siya ang inutusan ni Hernandez, paliwanag ni Santos: “Ako daw po yung puwede niyang kausapin para manghiram. Eh nakikisuyo po sa akin.”
“Siyempre po ako po may takot din po ako. Kasi nandon po ako sa DPWH nagpa-project po ako. Kung hindi naman po ako susunod sa kanila, paano po ako?” dagdag niya.
Sinabi naman ni Wawao Builders General Manager Mark Allan Arevalo, na sapilitang ginagamit ni Hernandez ang lisensiya niya bilang kontratista.
“Sa takot na maapektuhan yung negosyo namin,” ani Arevalo. “Sapilitan nilang ginamit, your honor.”
Sinabi naman ni Hernandez na sumusunod din lang siya s autos.
Pinatawan ng lifetime ban ng DPWH at hindi na makakakuha sa kanila ng proyekto ang Wawao Builders at SYMS Construction Trading, dahil sa alegasyon na sabit ang kompanya nila sa mga ghost project sa Bulacan.
Ang Wawao Builders umano ang nakakuha ng kontrata sa flood control project sa Barangay Sipat sa Plaridel na idineklarang natapos na noong 2024 pero wala pala.
Habang SYMS Construction Trading naman ang iniuugnay sa umano’y ghost project sa Barangay Piel sa Baliuag. –FRJ GMA Integrated News
