Nilinaw ng contractor na si Pacifico "Curlee" Discaya II nitong Martes na walang naganap na personal na transaksiyon sa kanila nina Speaker Ferdinand Martin Romualdez at Ako Bicol party-list Rep. Zaldy Co.
Inihayag ito ni Discaya isang araw matapos niyang sabihin sa pagdinig sa Senate blue ribbon committee ang pangalan ng mga umano’y ilang kongresista, mga staff nito, at ilang opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH), na mayroong komisyon sa mga flood control project.
“Karamihan sa mga kawani ng DPWH na nabanggit ay paulit-ulit na sinasabi na ang delivery ng pera ay para kay Zaldy Co, na dapat ay at least 25%,” saad Discaya sa Senado.
Dagdag pa niya, “Si Cong. Marvin Rillo naman ay ilang beses binabanggit ang pangalan ni Speaker Martin Romualdez bilang kaniyang malapit na kaibigan.”
Pero sa pagdinig ng House Infrastructure Committee sa Kamara ngayong Martes, sinabi ni Discaya na, “Kasi marami pong tumatawag sa akin na kung ako po ba may direct transaction kay Zaldy Co at Speaker [Romualdez], gusto ko lang pong linawin sa kanila na wala po akong direct transaction... wala po akong direktang transaction sa kanila."
Nitong Lunes, tinawag ni Co, dating chair ng House appropriations committee, na "baseless and irresponsible" ang lahat ng mga akusasyon na ibinabato laban sa kaniya sa pagdinig ng Senado, at sinabing "politically motivated" ang mga ito at nilalayong "to mislead the public and deflect accountability."
Dating incorporator si Co sa Sunwest Inc., ang kompanya na ikalima sa mga nangungunang flood control project contractor sa Bicol region, bago naiulat na nag-divest siya mula sa kompanya.
Iginiit din ni Romualdez na wala siyang tinanggap na suhol mula sa flood control projects.
Ayon kay Discaya, maaaring ginamit lang ang pangalan nina Romualdez at Co sa paghingi ng komisyon sa flood control projects.
"Hindi po ako nagkaroon ng anumang klaseng transaction sa kanila. So marami pang pagkakataon sa mga nabanggit ko na madalas nilang gamitin ang pangalan ni Zaldy Co at Speaker. Kaya nga po, gusto ko iparating kay Speaker at Zaldy Co na baka nagagamit lang ng mga politikong ito ang inyong pangalan," sabi ni Discaya.
Samantala, itinanggi ni Rillo ang pagbabanggit ng pangalan kay Romualdez, gaya ng iginiit ni Discaya.
"Hindi ko kailanman ginamit, pinahiram, o inangkin ang pangalan ni Speaker Martin Romualdez (I have never used, lent, or claimed the name of Speaker Martin Romualdez). It is both deplorable and unacceptable that my name—and even the name of the Speaker—has been carelessly and maliciously dragged into these falsehoods" sabi ni Rillo. – Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News

