Pinagbabaril ang tatlong babae sa isang bahay sa Novaliches, Quezon City. Patay ang magkapatid, na buntis pa naman ang isa.

Sa ulat ni James Agustin sa GMA News “Unang Balita” nitong Huwebes, sinabing nangyari ang krimen sa isang bahay sa Barangay Gulod bago mag-9 p.m. nitong Miyerkules.

Natagpuan malapit sa pintuan ang 36-anyos na si Angela Padilla, apat na buwang buntis, habang nakita sa loob ng kuwarto ang bangkay ng 34-anyos niyang kapatid na si Jennifer Garcia.

Nagtamo ang mga babae ng mga tama ng bala ng baril sa iba't ibang bahagi ng katawan.

Tinamaan naman ng bala sa balikat at paa ang 33-anyos na babaeng kabarkada ni Jennifer.

Batay sa imbestigasyon ng pulisya, nagkukuwentuhan ang tatlong biktima nang paputukan sila ng dalawang lalaking mga nakasuot ng jacket at helmet.

“Pinasok ‘yung bahay ng dalawang suspek and allegedly may dalang baril parehas… Bumaba ‘yung mga suspek sa motor, iisang motor ‘yung gamit nila, then dire-diretso roon sa bahay,” sabi ni Police Lieutenant Colonel Aljun Belista, Novaliches Police Station Commander.

Labis na ikinabigla ng mga kaanak na magkapatid na biktima ang insidente, na nasaksihan pa ng isang pamangkin.

“Dumating lang po ‘yung pamangkin ko kumakatok sa bahay na may binaril daw du’n sa bahay ng kapatid ko. ‘Yun na po, noong pagkakita namin sa loob, wala na, wala na kaming nagawa sir. “Nandun 'yung kapatid kong isa sa kuwarto, kalat-kalat 'yung mga gamit. Parang gustong lumaban ng kapatid ko, wala na ring nagawa,” sabi ng lalaking kapatid ng mga biktima.

Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa motibo ng pamamaril. Palaisipan din ang mga kaanak sa posibleng dahilan.

Ngunit batay sa ama ng magkapatid na biktima, nakatanggap umano ng pagbabanta si Jennifer at kaniyang kabarkada nito lamang Linggo.

“Sinabi niya sa akin na pinagbabantaan 'yung buhay niya, binigyan siya ng tatlong araw na palugit. Nabaril pati 'yung kabarkada niya na gano'n nga. Ang sabi ko naman sa kaniya, umalis ka na lang dito para hindi mangyari. Ayun na, nangyari na,” anang ama ng mga biktima.

Nakita ng SOCO ang anim na basyo ng bala mula sa 9 mm at .45 na baril.

Sinusuri na rin ng pulisya ang mga kuha ng CCTV sa mga lugar na posibleng dinaanan ng mga salarin.

Nanawagan ang mga kaanak ng hustisya.

“Nakakalungkot po kami sir na mawalan ng kapatid. Dapat ako na lang 'yung tinira nila, hindi 'yung kapatid ko,” sabi ng kapatid na lalaki ng mga biktima.

“Masakit sa akin na pati 'yung anak ko na wala namang nalalaman sa buhay kung hindi alagaan 'yung dalawang anak niya, dinamay nila,” sabi ng ama ng mga biktima. – Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News