Sinabi ni Senador Ping Lacson na kumpirmadong may naisingit na P355 milyong pondo para sa Bulacan sa 2025 national budget. Ang alokasyon, posible umanong naipasok habang tinatalakay ang budget sa Senado o kaya naman ay sa bicameral conference committee meeting.
Ayon kay Lacson na Senate President Pro Tempore at chairman ng Senate Blue Ribbon Committee, nasilip ng kaniyang mga staff ang P355 milyong halaga ng pondo para sa limang flood management projects sa Bulacan sa 2025 General Appropriations Acts (GAA).
Ngunit wala umano ang naturang halaga sa national expenditure program (NEP) na galing sa Department of Budget and Management (DBM), at ganoon din sa House General Appropriations Bill (GAB) na mula naman sa Kamara de Representantes.
Kaya hinala ni Lacson, maaaring nangyari ang singit nang tinatalakay na sa Senado ang budget na napasok sa bersiyon nito na Senate GAB o kaya naman ay sa pagpupulong na bicameral conference committee na kinabibilangan ng ilang senador at kongresista.
“We found one. Meron talagang insertion na wala sa House version pero lumabas sa Bicam. Maliwanag na either sa Senate version o sa Bicam yun,” sabi ni Lacson sa Kapihan sa Senado nitong Huwebes.
Ayon kay Lacson, hindi pa nila natutukoy kung sino ang nasa likod ng pagsingit ng pondo.
“Identify natin kung sinong proponents ng amendments. Kasi kung hindi, paano matutukoy kung sino ‘yung legislator na nag-insert o amend? Walang record eh,” paliwanag niya.
Sa pagdinig kamakailan ng House Infrastructure Committee, sinabi ni dating Public Works and Highways (DPWH) District Engineer Brice Hernandez na nagpasok umano si Sen. Jinggoy Estrada ng P355 milyon pondo sa 2025 budget para sa Bulacan.
Ayon kay Lacson, makikipag-ugnayan sila sa House Appropriations committee at kay dating Senador Grace Poe, na dating chairperson ng Senate Committee on Finance, para alamin kung sino ang nasa likod ng mga pag-amenyenda sa 2025 budget.
Tiniyak naman ni Lacson na ipagpapatuloy niya ang evidence-based investigations tungkol sa budget insertions na aabot sa kabuuang P142 bilyon kahit pa posibleng may mga senador na sangkot.
“Hindi ko sinasabi na aabot sa walang quorum. Pero ang sabi ko nga, pag imbestiga tayo dapat naka-blindfold tayo. I think our colleagues understand where I am coming form. Bakit pa tayo nagsasagawa ng investigation kung mamimili lang tayo parang ‘di naman fair,” ani Lacson.
Ipagpapatuloy ng Senate Blue Ribbon committee ang pagsisiyasat sa flood management projects sa Huwebes, September 18, 2025. – mula sa ulat ni Sundy Locus/FRJ GMA Integrated News

