Hindi na umano matandaan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang mga pangyayari, lugar, petsa, at kahit ang mga miyembro ng kaniyang pamilya, ayon sa kaniyang abogado na si Nicholas Kaufman.

Ito umano ang dahilan kaya hiniling ng kampo ng dating pangulo sa International Criminal Court (ICC) na ipagpaliban nang walang takdang panahon ang lahat ng pagdinig tungkol sa kaniyang kaso.

Batay sa public redacted version ng “Defence Request for an Indefinite Adjournment” na inilabas ng ICC noong Setyembre 11, sinabi ni Kaufman na wala na raw sapat na kakayahan si Duterte sa kasanayan sa pag-iisip para maayos na maisagawa ang kanilang depensa.

"In fact, he is not even able to process the reasons for his detention," ani Kaufman.

Ipinagpaliban ng ICC ang nakatakdang pagdinig para sa kumpirmasyon ng mga kaso laban kay Duterte na itinakda sa Setyembre 23, base sa pahayag ng depensa na “not fit to stand trial” ang dating pangulo.

"With his impaired memory and concomitant inability to retain new information or to recall events, places, timing or even members of his close family and defence team, Mr Duterte is unable to fully understand the nature and implications of the proceedings conducted against him," ayon kay Kaufman.

"His deficient memory also entails an inability to follow the litigation and to make informed decisions. Consequently, and crucially, Mr Duterte is unable to contribute to his own defence, rendering his participation in the proceedings totally ineffective," dagdag pa niya. – mula sa ulat ni Mariel Celine Serquina/FRJ GMA Integrated News