Sinabi ni Senate Pro Tempore Ping Lacson na isang tauhan ng isa sa construction firm na sabit sa flood control projects controversy ang nahuli-cam noong nakaraang Agosto na nagpunta sa Senado.
Ayon kay Lacson, na chairman din ng Senate blue ribbon Committee, ipatatawag nila sa pagdinig ng komite ang naturang tauhan ng construction firm na nagngangalang “Mina” para alamin kung sino ang pinuntahan niya sa Senado at bakit.
"As we speak, mayroon kaming CCTV footage na dumalaw dito [sa Senate] ang WJ. Ang pangalan Mina," saad ni Lacson sa mga mamamahayag nitong Huwebes.
"Ipapatawag namin para nalaman natin kung kaninong office siya nagpunta at sino ang kinausap niya para maliwanag whether or not staff ng Blue Ribbon o legislator ang pinuntahan," dagdag niya.
Sa nakaraang pagdinig ng komite sa Kamara de Representantes, sinabi ni dating Bulacan assistant district engineer Brice Hernandez, naghatid umano ang WJ Construction ng "obligasyon" kay Beng Ramos, na itinuro niyang tauhan ni Senador Jinggoy Estrada.
Pero itinanggi ni Estrada na may Beng Ramos siyang tauhan. Hindi rin umano siya sangkot sa ano mang katiwalian sa flood control projects.
Ayon kay Lacson, ipapatawag din nila ang in-charge sa CCTV sa Senado para maging pormal ang magiging testimonya tungkol sa nakuhanan ng camera.
“Makikita sa CCTV pero mas mainam na formally i-testify noong operator ng CCTV kung saang opisina [nagpunta]," ani Lacson. "Kung CCTV alone, 'di mapagsasalita 'yun eh."
Ipagpapatuloy ng Senate Blue Ribbon committee ang imbestigasyon sa flood control projects sa Huwebes, September 18.
Samantala, suportado ni Lacson ang posisyon ni Senate President Vicente Sotto III, na huwag munang pirmahan ang sulat na nagrerekomenda sa mag-asawang kontratista na sina Curlee at Sarah Discaya, na isailalim sa witness protection, gaya ng rekomendasyon ng dating chairman ng komite na si Senador Rodante Marcoleta.
Ayon kay Lacson, “outdated” na ang rekomendasyon ni Marcoleta dahil sa pagpapalit ng liderato ng Senado at ng komite.
Nakausap din umano ni Sotto si Justice Secretary Jesus Crispin Remulla, na nagsabing dapat ibalik muna ng mga Discayas ang perang nakuha nila sa mga kinukuwestiyong proyekto bago sila maikokonsiderang state witness.
"Nag-retract sila eh. Pagdating sa House iba ang sinasabi, 'How can you qualify kung hindi definite ang sinasabi,'" ani Lacson. "Titingnan natin baka dumating ang punto na 'pag nandito sila, mag-tell all, i-evaluate natin… Kung susundin natin ang proseso, unahin na muna natin magkaroon sila ng legislative immunity."
Sa nakaraang pagdinig ng Senado, ilang mambabatas, mga tauhan nito, at taga-DPWH ang tinukoy ng mga Discaya na sangkot umano sa katiwalian sa paggamit ng pondo para sa flood control. — mula sa ulat ni Sundy Locus/FRJ GMA Integrated News
