Nadakip ang isa sa mga suspek sa pamamaril sa tatlong babae na ikinasawi ng dalawa, kabilang ang isang buntis, sa Quezon City nitong Miyerkoles.

Sa ulat ng Unang Balita nitong Biyernes, sinabing nadakip ang 48-anyos na lalaking suspek sa ikinasang follow-up operation.

Itinuturong lookout umano ang nadakip na lalaki nang pagbabarilin ang tatlong babae sa loob ng isang bahay sa Barangay Gulod.

Sugatan ang isa pa sa mga biktima.

Patuloy ang pagtugis sa tatlong iba pang suspek.

Nakabilanggo na sa Camp Karingal ang suspek na mahaharap sa reklamong murder.

Itinanggi ng nadakip na suspek ang alegasyon.

“Wala pong katotohanan doon na naging lookout ako. Hindi ko nga po alam ang mga lakad-lakad na ganiyan na may planong papatayin sila eh,” sabi ng suspek. —Jamil Santos/ VAL GMA Integrated News