Nasagip ng mga awtoridad nitong Huwebes ang isang 78-anyos na negosyanteng babae na kinidnap matapos dalhin ng mga suspek sa isang bangko sa Quezon City para mag-withdraw ng pera.

Sa press conference, sinabi ni Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla, na Setyembre 2 nang dukutin ang biktima at ipinatutubos ng P150 milyon.

Nangyari umano ang pagdukot sa biktima sa C3 Road sa Quezon City dakong 6:30 pm. Matapos makatanggap ng tawag ang kapatid ng biktima sa hindi nila mga kilala, iniulat nila ang insidente sa Philippine National Police Anti-Kidnapping Group (AKG).

“On September 11, 2025, at 10:00 a.m., the victim was brought inside the bank in Quezon City by three men to withdraw money from the account of the victim,” ani Remulla, na plano umano ng mga suspek na makapag-withdraw ang biktima ng nasa P3 hanggang P 8 milyon sa bangko.

“The bank operators knew of the situation and contacted the PNP. Within minutes, the PNP arrived and arrested the three suspects and rescued the kidnapped victim,” dagdag nito.

Ayon kay Remulla, naaresto sa follow-up operation ang iba pang suspek na umaabot na sa 11, kabilang ang dalawang babae.

Nasa mabuti umanong kondisyon ang biktima at naibigay na sa kaniyang pamilya na konektado sa paggawa ng industrial goods.

Hindi tinukoy ni Remulla kung sino ang biktima, maging ang pagkakakilanlan ng mga suspek habang patuloy pa ang imbestigasyon at pagtugis sa posibleng iba pang miyembro ng grupo.

Ayon pa kay  Remulla, tatlo sa mga suspek na naaresto ay dating miyembro ng Philippine Marine Corps.

Dahil dinala ng mga suspek ang biktima sa bangko, hinihinala ni Remulla na bagito ang grupo na tila nainip umano na makakuha ng pera kaya dinala na ang biktima sa bangko.

“Puwede ngang gumawa ng sine tungkol dito comedy of errors ng mga…,” sabi ni Remulla, na pinuri ang kapulisan sa pagsunod sa protocol sa ganitong insidente at mabilis na pagresponde mula sa tawag sa bangko, at sunod-sunod na pagkakadakip sa mga suspek. – Joviland Rita/FRJ GMA Integrated News