Hiniling ng prosecution team sa International Criminal Court (ICC) na magkaroon sila ng sariling medical expert upang masuri ang lagay ng kalusugan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte matapos sabihin ng panig ng depensa na naging makakalimutin na ito at hindi na rin nakakakilala ng ilang miyembro ng pamilya kaya hindi na kayang humarap sa paglilitis.

Nakatakda sanang gawin ng Pre-Trial Chamber I ng ICC sa The Hague ang pagkumpirma sa kaso ni Duterte sa September 23 pero ipinagpaliban dahil sa naturang apela ng depensa.

Ang naturang kahilingan ng kampo ng tagausig ay makikita sa public redacted version ng "Prosecution's Response to the 'Defence Request for an Indefinite Adjournment'" noong August 28.

Inilabas ng ICC ang naturang dokumento noong Setyembre 11, tatlong araw matapos na ianunsyo ang "limited postponement" sa confirmation of charges hearing kay Duterte.

Upang hadlangan ang kahilingan ng depensa na indefinite adjournment sa mga pagdinig, sinabi ng prosekusyon na kumukonsulta sila sa sarili nilang eksperto upang matukoy kung kaya pa ba ni Duterte na lumahok sa pre-trial proceedings at humarap sa paglilitis.

"The [REDACTED] is expected to provide additional information regarding Mr Duterte's health condition which will further assist the Chamber in its determination of the Defence Request," saad sa dokumento.

Ipinunto rin ng prosekusyon na hindi sapat na basehan ang mga ulat at opinyon ng mga eksperto ng depensa, at hindi nila ito tinatanggap bilang ganap na katotohanan.

"The Prosecution Expert should be provided with the same records, documentation, and any other relevant information that was made available to the Defence Experts," dagdag nito.

ipinagpaliban ng ICC Pre-Trial Chamber I ang nakatakdang pagdinig para sa kumpirmasyon ng mga kaso laban kay Duterte sa Setyembre 23 matapos igiit ng kaniyang kampo ng depensa na hindi na kaya ng 80-anyos na dating pangulo na humarap sa paglilitis.

Sinabi ng kaniyang abogado na si Nicholas Kaufman, na dapat itigil na ang lahat ng legal na proseso laban kay Duterte dahil wala na itong kakayahan upang maunawaan at makilahok nang maayos sa pagdinig at maipagtanggol pa ang sarili.

Ayon kay Kaufman, mahina na ang memorya ni Duterte, hindi na matandaan ang mga impormasyon, at hindi na rin kayang tukuyin ang mga lugar, oras, mga tao-- kahit ang miyembro ng kaniyang pamilya.

Pero giit ng panig ng tagausig, dapat magkaroon pa ng mga pagsusuri kay Duterte kung totoo na hindi na niya kayang humarap sa paglilitis.

"An additional medical evaluation of Mr Duterte is necessary because the Prosecution disputes the Defence's position that Mr Duterte is 'not fit to stand trial' and the currently untested findings of the Defence Experts," saad sa dokumento.

Hiniling din ng prosekusyon sa tribunal na isagawa ang confirmation of charges bago matapos ang 2025.

"The Prosecution accepts that a short adjournment may be necessary, but this should be limited to the time necessary for the Chamber to expeditiously render its decision on Mr Duterte's fitness to stand trial," saad sa dokumento.

Sa kasalukuyang nakadetine si Duterte sa Hague Penitentiary Institution o sa Scheveningen Prison, kaugnay sa mga kasong crimes against humanity bunsod ng kaniyang giyera kontra-droga, na batay sa opisyal na tala ay 6,000 tao ang namatay.

Hinala naman ng mga human rights organization, posibleng nasa 30,000 ang nasawi sa war on drug, kasama na ang mga hindi naireport na kaso ng pagpatay.

Healthy and strong?  

Sa isang ulat naman ni Saleema Refran sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, ipinakita ang video ni dating presidential spokesperson Harry Roque nang kumustahin niya sa anak ni Duterte na si Kitty, ang kalagayan ng dating pangulo.

“How is he specifically? The court cancelled the confirmation because he’s not fit to stand trial, we want to know how he is physically and otherwise?” saad ni Roque sa video post sa Facebook noong September 9. 

“I cannot delve into that. I’d like to reiterate that we were advised to refrain from sharing information about our visits with him, and all I can assure you is that he is alive and well…” tugon ni Kitty matapos na dumalaw sa ama.

“But he seems healthy?” tanong uli ni Roque. 

“Yes,” sagot ni Kitty. 

“And strong?,” sabi pa muli ni Roque. 

“Yes,” ayon naman kay Kitty. 

Sinabi pa ni Kitty na, “no reason to worry but as I said, I cannot discuss.” -- mula sa ulat ni Vince Angelo Ferreras/FRJ GMA Integrated News