Sinabi ni Manila Mayor Francisco “Isko” Moreno ngayong Lunes na may mga paunang impormasyon na nagsasaad na may mga nagpondo sa mga nagprotestang nanggulo at nanira ng mga government at public properties sa Recto Avenue nitong Linggo sa harap ng mga demonstrasyon laban sa katiwalian.
“Merong mga initial report, sketchy pa, may dating politiko, Filipino-Chinese ang funder, tapos may isang abogado, funder din, nung mga bata na iyon [nanggulo] kagabi,” sabi ni Moreno sa isang ambush interview.
Sa hiwalay na panayam, sinabi ng alkalde na ang nanggulo ay naggaling sa iba’t ibang lugar gaya ng Taguig, Pasay, Parañaque, Caloocan, at Quezon City.
Ayon sa Manila Police District, may 113 katao ang dinakip dahil sa pambabato, maninira at pagsusunog ng mga gulong.
Sinabi ni Moreno na nasa 100 pulis ang nasugatan dahil sa kaguluhan.
“Meron pa ako [na] isang nag-kritikal pero ano na siya, ligtas na,” ayon sa alkalde.
Sa panayam ng GTV News Balitanghali, nilinaw ni Moreno na iba ang mga nagprotesta sa umaga, tanghali, at hapon ay mga lehitimong raliyista na mapayapang nagtipon-tipon.
“Pero nung gabi hindi na raliyista ‘yon, these are mobsters, rioters na tingin naming hanggang ngayon iniimbestigahan namin may mga taong nasa likod nito,” ayon kay Moreno.
Sinabi ng alkalde na umabot sa 216 ang nahuli dahil sa kaguluhan na tiniyak niyang kakasuhan dahil sa pambababoy at paninira ng mga gamit sa Maynila.
Pinayuhan ni Moreno ang mga magulang ng mga inaresto na kausapin ang kanilang mga anak para ituro kung sino ang mga nagpondo sa kanilang panggugulo kaysa sa sila lang ang madiin sa kanilang ginawa.– FRJ GMA Integrated News
