Naniniwala si Speaker Faustino “Bojie” Dy III na dapat ilabas ang kopya ng Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) ng lahat ng opisyal ng gobyerno — kabilang ang mga kongresista— upang maibalik ang tiwala ng publiko sa gitna ng galit kaugnay sa alegasyon ng katiwalian sa mga flood control project.
“Sa tingin ko naman, sa ngayon, kailangan talaga makita nila ang ating mga miyembro...hindi lang dito sa miyembro ng Kongreso, lahat dapat talaga makita [ang kanilang SALN], magpasa ng SALN ang bawat isa para sa ganun ay talagang maipakita natin sa ating mga kababayan... manumbalik ang pagtitiwala sa atin ng ating mga kababayan,” sabi ni Dy sa mga mamamahayag nitong Lunes sa kaniyang unang press conference bilang lider ng Kamara de Representantes.
Nang tanungin kung handa siya na ilabas ang kaniyang SALN sa publiko, sagot ni Dy, “Yes. Kung kinakailangan ipakita ang aking SALN.
Ayon sa Republic Act 6713 o Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees, nakasaad na dapat gawing bukas sa publiko ang SALN para masuri.
Nakasaad din sa Article 11, Section 1 ng Saligang Batas na ang, "public office is a public trust. Public officers and employees must at all times be accountable to the people, serve them with utmost responsibility, integrity, loyalty, and efficiency, act with patriotism and justice, and lead modest lives.”
Ngunit noong Setyembre 2020, nilimitahan ni dating Ombudsman Samuel Martires ang pag-access ng publiko sa SALN sa pamamagitan ng isang memorandum na nagsasaad na kinakailangan muna ang pahintulot ng opisyal bago maibigay ang kopya ng dokumento. -- mula sa ulat ni Llanesca T. Panti/FRJ GMA Integrated News

