Sinabi ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na organisado at bayad ang mga naggulo sa Mendiola Street sa Manila nang isagawa ang anti-corruption protests noong Linggo. Pati ang mga menor de edad, isinama umano at binayaran ng P3,000 kada isa.

Sa isang pahayag nitong Martes, sinabi ni DILG Secretary Jonvic Remulla na sinabihan umano ang mga sumama sa “riot”—pati ang mga menor de edad na hanggang 11-anyos—na sunugin ang Malacañang Palace.

“Mukhang lumalabas organized group… ang bayad nila sa mga bata ay P3,000 each. May mga video pa kami na pinapakita nila mga pera nila at niyayabang sa social media,” ayon sa kalihim.

“Ang instruction, kung kaya niyo umabot ng Palasyo, sunugin niyo. Ganoon lang,” dagdag ng kalihim.

Ayon sa DILG, mayroong 217 katao ang kanilang iniimbestigahan, kabilang ang 95 na menor de edad. Inaalam na umano ng mga awtoridad ang mga testimonya, online videos, at larawan para matukoy kung sino ang nag-organisa at nagpondo sa kaguluhan.

“No one is exempt from being investigated… tinitingnan namin…Kailangan may solid case build-up bago kami mag-prosecute,” ani Remulla, na sinabing may ilang pangalan nang lumabas sa isinasagawang imbestigasyon.

Ang mga kaso na puwede umanong isampa sa mga ito ay arson, destruction of property, inciting to sedition, at sedition, ayon sa DILG.

Sinabi rin ng DILG na hindi gumamit ng tear gas ang mga pulis. Ang mga nag-riot umano ang umatake ng tear gas sa mga pulis na may kasamang mga paputok at tubig na galing umano sa kanal.

Una rito, sinabi ng Philippine National Police na mahigit 100 pulis ang nasaktan sa insidente, at nasa 20 ang naratay sa ospital.

Sa ulat ni Many Vargas sa Super Radyo dzBB, sinabi nito na may 60 menor de edad na nasa 15 hanggang 17-taong-gulang ang iniharap sa piskalya batay sa rekomendasyon ng social workers.

Habang ang 25 na naarestong menor de edad na 14-anyos pababa ay ililipat naman sa Reception and Action Center ng Manila Social Welfare.

Posible umanong maharap ang 60 menor de edad na tinatawag na children in conflict with the law (CICL) sa mga reklamong illegal assembly, resistance and disobedience to a person of authority, direct assault to a person of authority, malicious mischief, at serious physician injury, at iba pa.

Kapag naisampa ang reklamo laban sa kanila, dadalhin sila sa Manila Boys Town Complex sa Marikina City. — mula sa ulat nina Vince Angelo Ferreras/Mariel Celine Serquina/FRJ GMA Integrated News