Si Justice Secretary Jesus Crispin “Boying” Remulla ang magiging bagong Ombudsman matapos siyang piliin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa naturang posisyon para maging “anti-graft czar” ng pamahalaan.
Ginawa ni Marcos ang pagpili kay Remulla, isang araw matapos isumite ng Judicial and Bar Council ang shortlist ng pitong kandidato bilang Ombudsman na kinabibilangan nina:
- DOJ Sec. Remulla
- Philippine Competition Commission chairperson Michael Aguinaldo
- Former Court of Appeals (CA) Associate Justice Stephen Cruz
- SC Associate Justice Samuel Gaerlan
- Office of the President Deputy Executive Sec. for Legal Affairs Anna Logan
- Retired Supreme Court Associate Justice Mario Lopez, at
- Sandiganbayan Associate Justice Michael Frederick Musngi
Papalitan ni Remulla sa posisyon si Ombudsman Samuel Martires, na nagtapos ang termino noong July 27.
Mananatili si Remulla bilang Ombudsman sa loob ng pitong taon pero hindi na siya puwedeng italaga sa naturang puwesto ng susunod na administrasyon.
Sa isang pahayag mula sa Presidential Communications Office, sinabi nito na nananatiling matatag ang hangarin ng administrasyon para labanan ang katiwalian.
''As Ombudsman, Remulla is expected to uphold transparency, strengthen anti-corruption measures, and ensure that justice is administered fairly and efficiently,'' ayon sa PCO.
''There will be no sacred cows, no exemptions, and no excuses. Public office is a public trust, and those who betray it will be held accountable,'' dagdag nito.
Muling pinagtibay ng PCO na ang transparency, pagiging patas, at rule of law ang mananatiling gabay na prinsipyo ng administrasyong Marcos.
Ang Office of the Ombudsman ang humahawak sa mga reklamo laban sa mga matataas na opisyal ng pamahalaan, at mga lokal na opisyal, maging ang mga may kinalaman sa usapin ng katiwalian at pag-abuso sa kapangyarihan.
Nauna nang nangako si Remulla na hindi niya gagamitin bilang sandata ang tanggapan ng Tanodbayan, at sinabing 'masyado nang maraming pulitikang nagaganap sa naturang opisina.
“One thing I intend to do is to do away with the Ombudsman, the Office of the Ombudsman, used as a weapon against people,” pahayag niya sa JBC.
“Too many cases filed, in-partisan politics, which some [are] meritorious and some are not very meritorious. And I think we have to do away with many of these that are really meant there to harass people,” dagdag ni Remulla.
Kabilang sa mga dadatnan at tatalakayin ni Remulla sa Ombudsman ang reklamo laban kay Vice President Sara Duterte kaugnay sa umano'y maling paggamit sa P500 million ng confidential funds ng OVP at P112.5 million sa confidential funds sa DepEd mula 2022-2024.
Sa mga naging pahayag noon ni Duterte, iginiit niya na walang katiwalian sa paggamit niya ng naturang mga pondo.
Samantala, inirekomenda ng Independent Commission for Infrastructure ang posibleng pagsasampa ng mga kasong katiwalian, malversation, at pamemeke laban kay dating Ako Bicol Rep. Zaldy Co at iba pang opisyal ng Department of Public Works and Highways dahil sa umano’y pagkakasangkot nila sa P289.5 milyong road dike project sa kahabaan ng Ilog Mag-Asawang Tubig sa Naujan, Oriental Mindoro.
Sa mga naunang pahayag na ilabas ni Co, itinanggi niya ang mga paratang laban sa kaniya. – mula sa ulat ni Anna Felicia Bajo/Joahna Lei Casilao/FRJ GMA Integrated News

