Mas mataas na singil sa kuryente ang aasahan ng mga kostumer ng Manila Electric Company (Meralco) ngayong Oktubre dahil sa inaasahan ding mas mataas na generation charge.

Ayon kay Joe Zaldarriaga, vice president at head ng corporate communications ng Meralco, ang posibleng pagtaas sa generation charge ay dahil sa paghina ng piso, “which affects costs of our suppliers that are mostly dollar-denominated,” batay sa ipinapahiwatig na rate ng kompanya para sa buwang ito ng Oktubre.

Sinabi ni Zaldarriaga na hinihintay pa ng Meralco ang ilang billing mula sa mga supplier bago tuluyang maisapinal ang singil sa kuryente ngayong buwan.

Noong nakaraang buwan, binawasan ng Meralco ng 19 sentimo ang singil sa kuryente sa mga kabahayan.

Bumaba ang kabuuang household electricity rate ng kompanya sa P13.0851 kada kWh, mula sa P13.2703 kada kWh noong Agosto o katumbas ng bawas na P0.1852.

“We, however, are hopeful that these possible increases will be tempered by lower WESM (Wholesale Electricity Spot Market) prices as reported by IEMOP (Independent Electricity Market Operator of the Philippines),” ani Zaldarriaga.

“Rest assured that we will announce the overall rate adjustment once all billings have been received and verified,” dagdag niya. — mula sa ulat ni Ted Cordero/FRJ GMA Integrated News