Arestado ang suspek sa panloloob sa isang bahay sa Sampaloc, Manila at pagtangay ng pera at gadget ng magkasintahang biktima.

Ayon sa ulat ni Jhomer Apresto ng GMA Integrated News, ang suspek ay naaresto sa Quezon City.

Aakalain na residente sa lugar ang suspek na naglakad sa bahagi ng Ventura Street sa Sampaloc dakong alas dos ng madaling araw nitong Sabado.

Makikita pa sa CCTV na bigla siyang pumasok sa gate ng isang bahay.

Makalipas ang limang minuto, makikita ang suspek na lumalabas ng bahay habang nagmamadaling naglakad.

Bitbit na niya ang mga gamit ng magkasintahang biktima na nakatulog raw noong mga oras na iyon, ayon sa barangay.

"Naiwanan po yatang bukas yung pinto. So siguro pagod sa trabaho, nakatulog hanggang yun, parang nasalisihan na sila sa sobrang himbing ng tulog nila," ayon kay kagawad Fe Dulay.

Sabi ng barangay, hindi nito residente ang suspek at posibleng dayo lamang sa lugar.

Base sa imbestigasyon ng Sampaloc Police Station, natangay sa mga biktima ang laptop, mga cellphone na aabot ng halagang P200,000.

Nakuha rin ng suspek ang ilan pang gamit tulad ng bag, relo, mga ID, ATM at credit card.

Sa follow-up operation ng mga awtoridad, natunton sa isang gadget shop sa Quezon City ang 21-anyos na suspek.

Nabawi sa kanya ang isang cellphone at laptop, pero hindi pa narekober ang 2 pang cellphone, relo, mga ID at ATM card.

Nasa kustodiya na ng Sampaloc Police ang suspek na nahaharap sa reklamong theft. Sinusubukan pa siyang kuhanan ng pahayag. —LDF/KG GMA Integrated News