Ipinag-utos ng Department of Transportation (DOTr) na kanselahin ang lisensiya ng isang driver ng kotse na nahuli-cam na binundol ang isang motorsiklo na minamaneho ng isang estudyante sa Teresa, Rizal. Katwiran ng driver sa viral video, nasagi siya ng motorsiklo at tinakbuhan.

Sa isang pahayag nitong Miyerkoles, iniutos ni DOTr acting Secretary Giovanni Lopez ang permanenteng pagpapawalang-bisa sa lisensiya ng driver matapos mag-viral sa social media ang isang video na sinadya umano nitong salpukin ang estudyante na sumagi umano sa kaniyang sasakyan.

“Iyang driver na ‘yan, walang karapatan magmaneho sa kalsada. Sabihin na nating totoo mang nasagi ‘yung kaniyang sasakyan. Tama bang habulin at bundulin mo ‘yung bata?” saad ni Lopez.

“No amount of explanation can justify his actions. Mas may edad siya eh, dapat alam niya kung ano ang tama,” dagdag ng kalihim.

Samantala, nakatakda ring kausapin ni Lopez ang pamilya ng estudyante at nakahanda ang ahensiya na magbigay ng abogado sa pagsasampa ng kaso laban sa driver.

Nakikipag-ugnayan na rin ang DOTr sa pulisya tungkol sa insidente.

Nakatakda namang maglabas ng show cause order ang LTO laban sa driver ng sasakyan ngayong araw.

Sinusubukan pang makuhanan ng pahayag ang driver. – Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News