Nadakip na ang isang lalaki na nasa likod ng mga serye ng pagnanakaw sa iba't ibang establisimyento sa Quezon City. Ang suspek, umamin sa krimen at idinahilan na hirap siyang nakahanap ng trabaho.
Sa ulat ni James Agustin sa GMA News Unang Balita nitong Miyerkoles, mapanonood ang pagpasok ng lalaki sa isang laundry shop sa Barangay Marilag.
Lumingon ang lalaki na animo’y may hinahanap, hanggang sa makita niya ang isang bag na nakapatong sa lamesa. Tumingin pa ang suspek sa labas upang siguruhin kung walang ibang tao.
Binalikan ng lalaki ang bag at tinangay saka siya mabilis na lumabas.
Napatakbo ang babaeng empleyado ng laundry shop na galing sa banyo para habulin ang suspek.
“Pagbalik niya, napansin niya wala na sa table ‘yung bag. Then immediately ni-review niya yung CCTV nakita niya na may pumasok na isang tao naka-long hair, naka ball cap. Nu’ng makita niya lumabas siya, nagtatawag siya ng tulong kasi parang ninakawan siya,” ayon kay Lieutenant Colonel Joy Leanza, Project 4 Police Station Commander.
Kalaunan, nadakip ng mga rumorondang pulis at barangay tanod ang 41-anyos na lalaking suspek.
Nabawi ang ninakaw niyang bag na naglalaman ng P12,000 na kita ng laundry shop, isang cellphone, mga ID at dalawang passbook.
Nakunan din sa CCTV ang suspek na pumasok sa isang pet shop sa Barangay Bayanihan noong Setyembre 22. Matapos masigurong walang ibang tao, kinuha niya ang isang cellphone na nakapatong sa lamesa.
Inakala naman ng empleyado na nawala niya lamang ang kaniyang cellphone, hanggang sa ni-review ang CCTV.
Lumabas sa imbestigasyon ng QCPD na may ninakawan pa ang suspek na isang car wash at kainan.
Dumarayo lamang umano sa Quezon City ang suspek na nakatira sa Pasig City.
“Talagang target niya is mga establishment. ‘Yung ‘pag may chance siya na makakuha ng time na makapagsalisi, gagawin niya talaga ‘yung modus niya, ‘yung magsalisi,” ani Leanza.
Batay sa record ng pulisya, nakulong na sa Cubao police station noong nakaraang taon dahil sa akyat-bahay gang ang suspek, na umamin sa mga nagawang krimen.
“Nahirapan din po kasi akong maghanap ng trabaho tapos nangungupahan pa ako sa bahay po. Wala po akong pambayad ng upa po. Gusto ko man umuwi ng probinsya, wala po akong pamasahe. Sobrang humihingi po ako sa kanila ng pasensiya,” sabi ng suspek.
Sinampahan na siya ng reklamong theft, at maaari pa itong madagdagan dahil sa lumutang na iba pang nabiktima. – Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News
