Nasapul sa CCTV ang ginawang panloloob ng isang lalaki sa isang paupahang bahay sa Barangay Payatas, Quezon City kung saan dalawang cellphone ng mga tindero ang natangay.

Sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Miyerkoles, napanonood ang biglang pagsilip ng suspek sa paupahang bahay bago mag-4 a.m. ng Martes.

Napansin niya na ang CCTV camera kaya agad niyang inilusot ang kaniyang kamay para alisin ito sa pagkakasaksak. Gayunman, hindi napansin ng lalaki ang iba pang CCTV.

Ilang saglit pa, nasa loob na ng bahay ang lalaki, na nagpalinga-linga na animo’y may hinahanap. Hinawakan niya ang isang bag ngunit walang nakuhang gamit.

Matapos nito, umakyat na siya sa ikalawang palapag at marahang pumasok sa kuwarto. Paglabas ng lalaki, dala-dala na niya ang dalawang cellphone na pagmamay-ari ng mga nagtitinda ng saging at matagal nang umuupa sa bahay.

“Paggising namin ng umaga, naghahanapan na ng cellphone. Akala niya tinatago sa kasama. Nu’ng ni-review na ‘yung TV, nakita na napasok na pala kami,” sabi ng isa sa mga biktima.

Dagdag ng mga biktima, ilang ulit na nilang namataan ang suspek na palakad-lakad sa lugar bago siya manloob. Laking panghihinayang ng mga biktima dahil hindi kalakihan ang kinikita nila sa hanapbuhay.

“Mahalaga talaga ang cellphone. Contact ‘yun lahat eh. Tapos, nandu’n din ‘yung record sa anak niya na may sakit na puso. Sana ‘yung gumawa, pumasok kagabi, lumaban na lang nang parehas, magtrabaho,” sabi ng biktima.

Naiulat na ang insidente sa Barangay Payatas.

Natuklasan na residente rin sa lugar ang suspek na ilang beses nang inireklamo dahil sa pagnanakaw umano.

“Panglimang beses niya pong ninakawan. Nu’ng una po ay ang DSWD, ‘yung sa Batasan, ‘yung gamit po ng bakla na mga blower, mga make-up. Tapos po ‘yung diyan po sa may Dama De Noche, mga damit po. Ngayon sinabi po ng kapalitan ko na dalawang cellphone po ‘yung nawala,” sabi ni Cristina Gabertan, Barangay Payatas Desk Officer.

Gayunman, hindi umano nakakasuhan ang suspek sa mga nakaraang insidente dahil nakikipag-areglo ang mga biktima.

Makikipag-ugnayan ang barangay sa mga kaanak upang maipatawag ang lalaki. Umaasa naman ang mga biktima na maibabalik pa ang mga ninakaw sa kanilang cellphone.—Jamil Santos/AOL GMA Integrated News