Kapuwa bumaba ang trust ratings o tiwala ng publiko kina Pangulong Ferdinand ''Bongbong'' Marcos Jr. at Vice President Sara Duterte sa buwan ng Setyembre 2025, batay sa resulta ng Social Weather Stations (SWS) survey.
Batay sa survey na kinomisyon ng think tank group na Stratbase, bumaba sa 43% ang ''much trust'' rating ni Marcos mula sa 48% noong Hunyo.
Mula naman sa 30% na “little trust” noong Hunyo, tumaas ito sa 36% nitong Setyembre. Habang nanatili naman sa 21% ang “undecided,” para sa net rating ng pangulo na +7, na mas mababa sa +18 noong Hunyo.
Samantala, nakakuha naman si Duterte ng 53% ''much trust'' rating na mas mababa rin sa 61% niya noong Hunyo. Nasa 28% naman ang kaniyang “little trust” at 18% ang undecided, para sa net rating na +25, mula sa dating +38.
Bilang reaksyon sa resulta ng SWS survey, sinabi ni Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro, na nagtatrabaho nang mabuti si Marcos para sugpuin ang katiwalian sa bansa.
''Ang Pangulong Marcos, Jr. ay nakikita natin na tunay na nagtatrabaho at kumakalaban sa korupsiyon. Walang humpay para umangat ang buhay ng bawat Pilipino sa gitna ng mga kalamidad na kinakaharap natin,'' saad niya sa mensahe sa mga mamamahayag.
Isinagawa ang survey mula September 24 hanggang 30, 2025, sa pamamagitan ng face-to-face interviews sa 1,500 adults (18-anyos pataas) sa buong bansa: 300 nito sa Metro Manila, 600 sa Balance Luzon (o Luzon outside Metro Manila), at tig-300 sa Visayas at Mindanao.
Ang tanong sa survey: For the following, please indicate if your trust/faith in (personality) is very much, somewhat much, undecided if much or little, somewhat little, very little, or you have not heard or read anything about (personality) ever?
Mayroong sampling error margins ang survey na ±3% para sa national percentages, ±4% sa Balance Luzon, at tig-±6% sa Metro Manila, Balance Luzon, Visayas, at Mindanao.— mula sa ulat ni Anna Felicia Bajo/FRJ GMA Integrated News

