Nag-viral sa social media ang nahuli-cam na pananakit ng ilang kalalakihan sa mga nakatira sa pinasok nilang bahay sa Pasig City. Sa paunang imbestigasyon na ginawa ng mga pulis, napag-alaman na nag-ugat ang gulo nang iwanan ng babaeng live-in partner ang isa sa mga suspek at nagtungo sa naturang bahay.
Sa ulat ni Jun Veneracion sa GMA News “24 Oras” nitong Miyerkoles, makikita sa video footage ang ginawang panununtok at paninipa ng mga suspek sa mga lalaking nakatira sa bahay.
Maging ang babaeng nakatira sa naturang bahay ay pinagbuhatan din ng kamay ng mga suspek.
Ang isang suspek, naglabas pa ng tila baril mula sa kaniyang bag.
Pilit din niyang binubuksan ang pinto ng banyo hanggang sa isang babae ang lumabas na siya palang live-in partner ng isa sa mga suspek na kanilang isinama sa pag-alis kinalaunan.
Nang makarating sa kaalaman ng mga awtoridad ang naturang video, nagsagawa sila ng beripikasyon at natuklasan na nangyari ang insidente noong September 23 sa Barangay Pinagbuhatan.
Ayon kay Police Colonel Hendrix Mangaldan, hepe ng Pasig Police Station, lumitaw na walang abduction na nangyari dahil magkakakilala ang mga suspek at mga biktima, at nagkaroon umano ng hindi pagkakaunawaan.
Napag-alaman din ng pulisya na laruan at hindi totoong baril ang nakita sa CCTV camera na tila baril na hawak ng isa sa mga suspek.
Ipinatawag na umano ng pulisya ang mga suspek sa presinto para magpaliwanag.
“Lumalabas dito puwedeng mag-file ng physical injuries, puwedeng mag-file ng trespassing doon sa mga pumasok, puwede rin mag-file ng grave threat [ang mga biktima]. Depende sa evaluation namin at sa interview naming sa mga victim,” ayon kay Mangaldan. – FRJ GMA Integrated News
