Isa ang nasawi at tatlo ang sugatan sa ginawang pag-araro ng isang UV Express sa 12 motorsiklo at dalawang kotse sa Commonwealth Avenue sa Quezon City.

Sa ulat ni Sandra Aguinaldo sa GMA News 24 Oras nitong Biyernes, ipinakita ang video footage nang ginawang pagbangga ng UV Express sa mga sasakyan na hindi niya hinintuan.

Isang truck ang nagtangkang harangin ang suspek pero nagawa pa ring makatakas ng UV express, na naaresto rin kinalaunan.

Paliwanag ng suspek, may nakagitgitan siya kalsada kaya uminit umano ang ulo niya. Gayunman, hindi niya matandaan kung sino ang nakagitgitan niya.

Lumitaw sa paunang pagsusuri ng pulisya na negatibo sa alcohol ang suspek na isasailalim din sa drug test.

Iniimbestigahan na ng Land Transportation Office ang insidente. – FRJ GMA Integrated News