Ni-revoke na ng Land Transportation Office (LTO) ang lisensiya ng UV Express Driver na nang-araro ng 12 motorsiklo at dalawang kotse kung saan isa ang patay at sugatan ang iba pa sa Commonwealth Avenue, Quezon City.

Sa Facebook post ng LTO nitong Sabado, sinabi nito na ipinatupad ni LTO Chief Assistant Secretary Markus Lacanilao ang perpetual disqualification sa driver's license ng 51-anyos na driver ng UV Express na may plate number UWL-894, alinsunod na rin sa kautusan ni Department of Transportation (DOTr) Acting Secretary Giovanni Lopez.

Matapos ang insidente, sinuspinde muna ng 90 araw ang lisensiya ng driver.

Ayon pa sa LTO, umamin and driver na gumamit siya ng shabu noong Huwebes, ilang oras bago siya pumasada nitong Biyernes ng umaga kung saan naganap ang insidente.

Sinabi ni Lopez na hindi pahihintulutan ng DOTr at ng LTO ang mga reckless na driver na ilagay sa panganib ang buhay ng mga motorista at komyuter.
 
“Sisiguraduhin nating hindi na makakapagmaneho itong UV Express driver. Paulit-ulit nang sinasabi ng Pangulo na dapat ligtas ang ating mga kalsada at mga motorista mula sa mga ganitong klaseng driver lalo’t pag may buhay na nawala bunga ng kanilang iresponsableng pagma-maneho,” sabi ni Lopez.

Nakabilanggo ngayon ang UV Express driver sa Quezon City Police District Traffic Enforcement Unit.

Nahaharap ang suspek sa patong-patong na kaso, kabilang ang Reckless Driving, Anti-Drunk and Drugged Driving, Improper Person to Operate a Motor Vehicle at iba pa.

Sa ulat ni Sandra Aguinaldo sa GMA News 24 Oras nitong Biyernes, ipinakita ang video footage nang ginawang pagbangga ng UV Express sa mga sasakyan na hindi niya hinintuan.

Isang truck ang nagtangkang harangin ang suspek pero nagawa pa ring makatakas ng UV express, na naaresto rin kinalaunan.

Paliwanag ng suspek, may nakagitgitan siya kalsada kaya uminit umano ang ulo niya. Gayunman, hindi niya matandaan kung sino ang nakagitgitan niya. —Jamil Santos/ VAL GMA Integrated News