Bangkay na at nakagapos pa ang mga kamay nang matagpuan ang isang babae sa kuwarto ng isang hotel sa Santa Mesa, Maynila. Ang babaeng kasama niyang mag-check-in, pinaghahanap.

Sa ulat ni Jhomer Apresto sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, sinabing natagpuan ng mga awtoridad ang babae umaga nitong Huwebes.

Sinabi ng Barangay 587 na natuklasan sa backtracking ng pulisya na isang lalaki at babae ang kasabay na nag-check-in ng biktima sa hotel Miyerkoles ng gabi.

Napanood naman sa footage ng Barangay 589 ang babae na naka-shades at face mask habang may dalang helmet bago mag-7 a.m. kinabukasan.

Nanggaling umano siya sa hotel at ilang ulit nagpabalik-balik sa Old Santa Mesa, hanggang sa lumiko na siya ng Reposo. Ilang saglit lang, tumatakbo na ang babae sa kahabaan ng Peralta.

Pagkaraan ng ilang minuto, hinanap ng roomboy ng hotel ang babaeng tumatakbo, na siya palang kasama ng biktima sa loob ng hotel.

Samantala, hindi na nakunan ng CCTV ng Barangay 589 ang lalaking kasama nila na nasa kabilang kalsada naman dumaan.

“‘Yung lalaki, Old Santa Mesa pakaliwa galing sa hotel… Hindi na rin nakita doon pakanan papunta ng Teresa,” sabi ni Rafael Dizon, chairman ng Barangay 589.

Hindi na rin gaano pang nakunan ng CCTV, ngunit ang babae umano na tumatakbo ang pasaherong sumakay ng jeep patungong Mandaluyong.

Ayon pa ng barangay, nakitaan nila ng kakulangan ang seguridad ng hotel. Bukod dito, hindi rin nakikipag-ugnayan ang management sa kanila.

“Sana naman, sa pamunuan ng hotel ng *** bigyan nila ng security guard. Wala pong security guard yun eh. ‘Pag lalabas ‘yung customer nila dapat sabay kasi ‘pag sa hotel puwede ‘yung dalawang babae, isang lalaki, pinapayagan nila ‘yun,” sabi ni Dizon.

Sinubukan ng GMA Integrated News na makipag-ugnayan sa management ng hotel pero hindi itinanggi ng staff na sa kanila nangyari ang krimen.

Nakipag-ugnayan din ang GMA Integrated News sa Manila Police District pero tumanggi pa silang magbigay ng detalye sa kaso habang isinasagawa ang kanilang imbestigasyon.  —Jamil Santos/VBL GMA Integrated News