Inihayag ng Malacanang ngayong Huwebes ang bagong posisyon ni Department of Tourism (DOT) Secretary Christina Frasco. 

Inanunsiyo ni Palace Press Officer Undersecretary Atty. Claire Castro na itinalaga ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. si Frasco sa bago nitong trabaho bilang Presidential Adviser for Sustainable and Resilient Communities.

Ayon kay Castro, inatasan ni Marcos si Frasco na tumulong sa pagpapalakas at tiyakin na naipatutupad ang pambansang inisyatibo ng pamahalaan sa mga komunidad.

Idinagdag ni Castro na marami umanong lugar sa bansa ang nahaharap sa iba’t ibang uri ng panganib at mga problema na may kaugnayan sa pagbabago ng klima na nakaaapekto sa lokal na ekonomiya at kabuhayan.

Pansamantalang pamumunuan ni Undersecretary Verna Buensuceso ang DOT, sabi pa ni Castro.

Ipinahayag din umano ni Marcos ang pasasalamat nito sa serbisyo ni Frasco sa ginawang pamumuno sa DOT.  Ayon kay Castro, tiwala ang pangulo sa kakayahan at karanasan ni Franco para magampanan ang bago nitong trabaho sa pakikipagtulungan sa mga lokal na pamahalaan at komunidad.

Bago nito, inulan ng puna si Frasco dahil sa umano’y paglalagay nito ng kaniyang mga larawan sa mga programang pangturismo.

Itinanggi naman ito ni Frasco at iniutos niyang alisin ang mga larawan niyang nakalagay sa mga materyales ng DOT.

Wala pang pahayag si Frasco kaugnay sa bago nitong posisyon at pagkakaalis sa DOT.-- Anna Felicia Bajo/FRJ GMA Integrated News