Nasawi ang isang 50-anyos na lalaki matapos niyang magsalba ng isang sanggol sa gitna ng sunog sa Barangay Tañong, Marikina City.
Sa ulat ni Bea Pinlac sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, sinabing naganap ang sunog pasado 2 a.m. nitong Sabado.
Kinilala ang biktima na si Tatay Allan.
“Binalot niya 'yung sanggol, 'yung sanggol. Sabi niya, ‘Ilabas mo.’ Sabi niya, ‘Balikan ko lang 'yung bag.’ Sabi ng apo kong maliit, ‘Patay na si lolo.’ ‘Hindi pa patay si lolo!’ Masakit sa akin,” emosyonal na sabi ni Rosie Gulgat, residente.
“Inilabas niya 'yung mga apo niya. Tapos pati 'yung asawa niya. Tapos binalikan 'yung bag. Nandoon siya nakita sa may loob ng kuwarto sa may likod,” sabi ni Fire Senior Inspector Rina Leal ng Bureau of Fire Protection Marikina Deputy Fire Marshal and Chief of Operations.
Naglalaman ng pera, mga ID at iba pang gamit ang bag ni Tatay Allan.
Nagtamo naman ng burns sa dalawang paa, balikat, at kamay ang isang 53-anyos na babae.
Sinabi ng BFP na hindi bababa sa anim na bahay ang natupok ng apoy na umabot ng unang alarma. Apektado ang nasa walong pamilya o halos 30 indibiduwal.
Ayon pa sa mga awtoridad, mabilis na kumalat ang apoy dahil gawa sa light materials ang mga natupok na bahay.
Umabot sa humigit kumulang P350,000 ang halaga ng pinsala.
Patuloy na inaalam ng BFP ang sanhi ng sunog na naapula bago mag-3 ng madaling araw. —Jamil Santos/VBL GMA Integrated News
