Inihayag ni Senador Ping Lason at tagapagsalita ng Philippine Navy na itinanggi ng Philippine Marine Corps (PMC) na nasa pangangalaga nila si Orly Guteza, ang kontrobersiyal na "surprise witness" sa isinasagawang imbestigasyon ng Senado tungkol sa katiwalian sa paggamit ng pondo para sa flood control projects.

Sa isang pahayag nitong Huwebes, sinabi ni Navy spokesperson Captain Marissa Martinez, na nagretiro na si Guteza mula sa PMC mula pa noong June 30, 2020.

"As a retired serviceman, he no longer falls under the administrative authority of the Philippine Navy. Any engagements or interactions he may have at present are undertaken in his personal capacity," paliwanag nito.

"It must be also made clear that Mr. Orly Regala Guteza is not under the protection of the Philippine Marine Corps, which has no involvement in his personal affairs," dagdag pa ni Martinez.

Sinabi pa ni Martinez na nananatiling tapat sa mandato ang PN bilang propesyonal at walang pinapanigang organisasyon.

Unang nasilayan ng publiko si Guteza nang iharap sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee noong Setyembre 25 ni Senator Rodante Marcoleta.

Ayon kay Marcoleta, lumapit sa kaniya si Guteza sa tulong ni dating Anakalusugan party-list Representative Mike Defensor.

Sa kaniyang pahayag sa pagdinig, sinabi ni Guteza na dati siyang security consultant ni dating Ako Bicol party-list Rep. Zaldy Co, at personal umano siyang naghatid ng mga maleta ng pera sa mga bahay nina Co at dating Speaker Martin Romualdez.

Sinabi rin niya na naghatid din umano si Benguet Rep. Eric Yap, dating kinatawan ng ACT-CIS party-list, ng 46 na maleta ng pera sa bahay ni Co.

Dati nang itinanggi nina Co, Romualdez, at Yap ang mga paratang ni Guteza, na tinawag nila na walang batayan.

Nabahiran ng kontrobersiya ang mga isiniwalat ni Guteza nang lumabas na peke ang pirma ng abogado na nag-notaryo sa kaniyang sinumpaang salaysay.

'Fakery'

Ayon naman kay Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” Lacson, na inaasahang magbabalik bilang pinuno ng Senate Blue Ribbon Committee, nalaman niya na wala sa pangangalaga ng PM si Guteza, taliwas sa sinasabi ni Defensor.

"As per verification made with the Marine Commandant, MGen Vince Blanco (PMA Cl ‘91), through fellow cavaliers, Guteza is not and has never been under their custody. How much more fakery can we take?” saad ni Lacson sa post sa X (dating Twitter).

Base sa mga lumabas na ulat, sinabi ni Defensor na nasa pangangalaga ng Marines si Guteza mula nang humarap ito sa blue ribbon committee noong September 25.

"Magmula noon, nakakuha na lang ako ng mga mensahe doon sa kaibigan niya. Ang binabanggit, nandoon nga siya sa mga kasama niya na mga Marino at pinoproteksyunan siya, sila mismo nagbibigay ng proteksyon sa kaniya," ani Defensor.

"As to the whereabouts now, hindi ko talaga masabi. Pero meron namang komunikasyon kahit papaano," dagdag pa niya. – FRJ GMA Integrated News