Limampung porsyento o kalahati ng mga pamilyang Pilipino sa bansa ang itinuturing ang sarili nila na mahirap, ayon sa pinakabagong survey ng Social Weather Stations (SWS). Bahagyang mataas ito mula sa 49% noong Hunyo 2025.

Kumakatawan ang naturang bilang sa tinatayang 14.2 milyong pamilyang Pilipino, o higit sa kalahating milyon kumpara sa 13.7 milyong pamilya na lumabas sa nakaraang survey noong Hunyo.

“The 1-point rise in the nationwide Self-Rated Poverty between June 2025 and September 2025 was due to increases in Metro Manila and Balance Luzon (or Luzon outside Metro Manila), combined with a decline in the Visayas and a steady percentage in Mindanao,” ayon sa SWS.

Sa mga pamilyang nagsabing mahirap sila, 36% ang nagsabing palagi silang mahirap (''always poor''), 8.7% ang hindi mahirap sa nakalipas na mahigit limang taon (''usually poor''), at 5.7% ang hindi naging mahirap mula sa nakalipas na isa hanggang apat na taon ("newly poor").

Nakasaad din sa survey na 12% ng mga pamilya ang itinuturing nasa “borderline” o nasa pagitan ng pagiging mahirap at hindi-mahirap. Tumaas ito ng dalawang puntos mula sa 10% na pinakamababang naitala noong Hunyo 2025.

Samantala, 38% ng mga Pilipino ang nagsabing hindi sila mahirap, bumaba ng 3 puntos mula sa 41% noong Hunyo 2025.

Ang Self-Rated Food Poverty na batay sa uri ng pagkaing karaniwang kinakain ng pamilya, lumabas na 41% ang nagsabing Food-Poor sila o “mahirap sa pagkain,” 11% ang nasa Food Borderline, at 47% ang hindi Food-Poor.

“The September 2025 percentage of Self-Rated Food Poor families of 41% was unchanged since April 2025. This was the lowest since 33% in March 2024 and was 3 points below the 2024 annual average of 44%,” ayon sa SWS

Ipinakita rin sa survey na ang karaniwang buwanang gastusin ng pamilya ay nananatili sa ?3,000 para sa upa sa bahay, at ?2,000 para sa transportasyon papasok sa trabaho o paaralan.

“However, it rose for Internet from P800, and for Mobile phone load from P300,” dagdag pa ng SWS.

Isinagawa ng SWS ang survey sa pamamagitan ng face-to-face interviews sa 1,500 na adult na Pilipino mula Setyembre 24 hanggang 30, 2025. Mayroon itong sampling error margin na ±3% para sa national percentages, ±4% para sa Balance Luzon, at ±6% bawat isa para sa Metro Manila, Visayas, at Mindanao. — mula sa ulat ni Mariel Celine Serquina/FRJ GMA Integrated News