Bukas na ang Manila North Cemetery mula 5 a.m. hanggang 9 p.m. para sa pag-alala ng mga tao ng kanilang mga mahal sa buhay nitong Undas 2025.
Sa ulat ni Susan Enriquez sa Unang Balita nitong Biyernes, sinabing ganito ang mga oras ng bukas ng sementeryo hanggang Nobyembre 2.
Bago makapasok sa sementeryo, mayroong inspection area para sa mga gamit, at nakahiwalay ang lane para sa mga senior citizen at persons with disability (PWD) at buntis.
Ayon kay Manila Police District (MPD) spokesperson Major General Philipp Ines, may 13,000 tao nang pumunta nitong Oktubre 30, at inaasahang dadami pa nitong Oktubre 31.
“Wala po tayong natatanggap na anumang banta. Pero kung meron man po hindi natin ito ikikibit-balikat. Magkakaroon po agad tayo dito ng evaluation at assessment,” sabi ni Ines.
Mahigit 500 ang naka-full deployment na MPD personnel, bukod pa sa force multipliers at ang lokal na pamahalaan para masiguro ang kaligtasan sa sementeryo.
Mayroon ding police assistant desk na maaaring hingian ng tulong.
Ilan sa mga ipinagbabawal ang mga flammable na gamit gaya ng ilang pabango, cologne at sigarilyo.
Ipinagbabawal din ang mga sumusunod:
- Baril
- Matutulis na bagay
- Alcoholic drinks
- Mga alagang hayop
- Malakas na sound system at loudspeaker
- Gitara
- Flammable materials
Ibabalik naman sa mga may-ari ang mga kagamitang ipapaiwan sa entrance ng Manila North Cemetery.
Para maiwasan din ang pagkawala ng mga bata, lalagyan sila ng mga wrist tag para madaling mahanap ang kanilang mga magulang o kamag-anak.
Samantala, ilang tao ang nag-Halloween Costume sa kanilang pagbisita sa Manila North Cemetery.
Sa ulat ni Ian Cruz, ilan sa mga tao ang gumayak bilang sina Pennywise at Valak.
“Para po manakot at magpasaya lang,” sabi ng lalaking nakabihis Pennywise.
“Magpapasaya lang po ng tao,” sabi ng naka-Valak.
Ayon sa kanila, taon-taon nila itong ginagawa para magpasaya ng mga tao.
--Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News
