Natangayan ng wallet na may pera, mga cellphone at motorsiklo ang isang magkasintahang bumibili lang ng pagkain nang sila'y ma-holdap sa Angono, Rizal.
Sa ulat ng Unang Balita nitong Biyernes, mapanonood sa video na kuha sa loob ng tindahan ang pagdating ng motorsiklo sa labas sa Barangay San Vicente.
Ayon sa mga biktima, bumibili sila ng pagkain sa tindahan noong Miyerkules bago mag-ala una ng umaga.
Hanggang sa tumigil sa lugar ang dalawang motorsiklo at nagdeklara ng holdap ang mga sakay nito.
Pagkatangay sa mga gamit at motor ng mga biktima, mapanonood sa video ang pagtakas ng apat na salarin.
Sinabi ng mga biktima na hiniram lang nila sa tiyuhin ang dala nilang motorsiklo.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya. — Jamil Santos/ VDV GMA Integrated News
