Maaaring marinig ang boses ng namayapang mahal sa buhay mula sa isang teddy bear, na bahagi ng digital innovation ng isang funeral at memorial services sa Biñan, Laguna. Mayroon din silang mga QR Code at nakalutang na urn.
Sa ulat ni Bam Alegre sa GMA News Unang Balita nitong Biyernes, sinabing wala na ring guestbook sa punerarya kundi i-i-scan na lang ang QR Code at lalabas ang mga detalye ng namayapa, at maaari ring mag-iwan ng mensahe ng pakikiramay para sa pamilya.
Ang namatayan na si Gerald Piccio, may planong palagyan ng QR Code ang lapida ng namayapa nilang mahal sa buhay.
“For technology na, so it's great. It's a good experience na na-improve na ating mga ganitong ways for mourning and at the same time, once kapag [ini-scan mo ang] QR Code, lalabas ‘yung information ng death ni father ko and then you can put some messages there and then you can see all kung sino ang pumunta,” sabi ni Gerald.
Kapag na-scan ang QR, maaari itong magsilbing time capsule ng mga paboritong alaala, pati mga milestone ng namayapang mahal sa buhay.
“It's a QR Code placed on a grave marker that allows visitors to scan it and then see details of the departed dun po sa QR Code na yun. So it can be anything that the family would like to share. It can be the favorite songs of the departed loved one. It can be the favorite movies, any achievements. And then this will allow the visitors to know more about that departed loved one,” sabi ni Carlos Miguel Locsin, National Sales and Marketing Manager ng Forest Lake Memorial Parks.
May alok ding theme casket para sa mga gustong bigyang halaga ang personalidad o mga paborito ng kanilang pumanaw na kaanak.
Ilan sa mga disenyo ng kabaong ay hango mula sa basketball legend na si Kobe Bryant, at mayroon ding may shield ni Captain America.
Mayroon din silang floating urn na gumagamit ng mga magnet para naka-levitate ang urn ng mahal sa buhay.
May memorial composting pa sila na isang maliit na halaman kung saan nakahalo sa lupa ang abo ng namatay na kaanak para maging bahagi rin ng puno sa pagdaan ng panahon.
May mga maliliit ding memorial jewelry o mga urn na maaaring gawing bahagi ng alahas o palamuti. – Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News
