Ibinasura ng isang korte sa San Juan ang paunang kahilingan ni Senador Jinggoy Estrada na maglabas temporary restraining order (TRO) laban sa dating assistant engineer ng Department of Public Workers and Highways sa unang distrito ng Bulacan na si Brice Hernandez, ayon sa abogado ng huli, na nilinaw din na tuloy pa ang pagdinig sa usapin.
Nitong Lunes, sinabi ni Ernest Levanza, may kinalaman ang desisyon ng San Juan RTC Branch 160 sa hiling na injunction ni Estrada.
“In the said Resolution, the Court Denied the Senator’s prayer for a TRO against Brice,” saad ng abogado sa ipinadalang mensahe sa GMA News Online.
Ipaliwanag ni Levanza na layunin ng hinihiling na TRO ni Estrada na pigilan si Hernandez sa paggawa ng mga pahayag laban sa senador kaugnay ng umano’y maanomalyang mga proyekto sa flood control.
Nilinaw din niya na nagpapatuloy pa ang pagdinig sa petisyon dahil ang tinanggihan pa lamang ng korte ay ang paunang kahilingan ni Estrada.
Nakasaad sa disisyon ng korte na: "From the foregoing, it is clear that the requisite extreme urgency warranting the issuance of a TRO is no longer present. Wherefore, premises considered, plaintiff's TRO application is denied."
Itinakda ng korte ang pagdinig sa aplikasyon ni Estrada para sa writ of preliminary injunction sa Nobyembre 12, 2025, alas-9:30 ng umaga.
Sa isang pahayag, sinabi ng opisina ni Estrada na nilalaman ng resolusyon ng korte ang isang malinaw na paalala na sakop na ng sub judice rule ang anumang karagdagang pahayag o diskusyon hinggil sa kaso.
Dagdag pa nito, sinabi ng opisina ng senador na iginagalang at susundin nila ang desisyon ng korte, “consistent with his unwavering faith in the rule of law and the integrity of our courts. He maintains that the proper forum for the vindication of rights is the courtroom, not the media."
Binigyang-diin din sa pahayag na ipagpapatuloy ng senador ang paggamit ng lahat ng legal na paraan upang papanagutin ang mga lumalabag sa kaniyang karapatan, nagpapakalat ng maling impormasyon, o sumisira sa kaniyang pangalan.
"Senator Estrada remains confident that the truth will prevail through due process and the impartial administration of justice," saad pa sa pahayag.
Bago nito, idinawit ni Hernandez si Estrada sa umano’y maanomalyang mga proyekto sa flood control sa ginanap na pagdinig ng House Infrastructure Committee. Ani Hernandez, tumanggap umano ang senador ng 30% “SOP” mula sa mga proyekto.
Dati nang itinanggi ni Estrada ang mga alegasyon laban sa kaniya.
Nitong Oktubre, naghain si Estrada perjury complaint laban ka Hernandez.— mula sa ulat ni Joahna Lei Casilao/FRJGMA Integrated News
