Sugutan ang isang motorcycle taxi rider matapos siyang barilin ng security guard ng isang bus terminal sa Cubao, Quezon City nitong Linggo. Ang krimen, nag-ugat sa pagsita ng suspek sa biktima nang pumarada sa lugar.
Sa ulat ni James Agustin sa GTV News Balitanghali nitong Linggo, makikita sa CCTV footage na nilapitan ng 43-anyos na sekyu ang 32-anyos na rider matapos na pumarada ang huli sa terminal.
Ilang saglit lang, nagsuntukan na ang dalawa hanggang sa matumba ang sekyu. Hindi na nakita sa camera pero binaril umano ng suspek ang biktima.
Ayon kay Police Major Jovencio Solis, Jr., Deputy Commander, Cubao Police Station, may police assistance desk sa lugar na kaagad na rumesponde sa insidente.
Sugatan ang rider na nagtamo ng tama ng bala sa tagiliran at dinala siya sa ospital. Sugatan din ang sekyu na nagkapasa sa mukha at hiwa sa tainga na kinailangang tahiin.
Ayon kay Solis, sinita ng sekyu ang rider dahil pumarada ito sa lugar na nakaharang umano sa daanan ng mga pasahero sa terminal.
Nauwi ang pagsita sa pagtatalo ng dalawa, na humantong panununtok ng rider. Tinangka rin umano ng biktima na kunin ang baril ng sekyu kaya siya naputukan ng suspek.
Inaresto naman ang sekyu, na nagsabing binilinan siya ng agency na sa korte na lang magsalita.
Mahaharap ang sekyu sa kasong homicide, habang sasampahan naman niya ang biktima ng reklamong physical injury. – FRJ GMA Integrated News
