Inihayag ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ngayong Huwebes na inaprubahan niya ang rekomendasyon na magdeklara ng state of national calamity sa bansa bunga ng pananalasa ng Bagyong “Tino.”
Binanggit ito ni Marcos sa situation briefing kasama ang mga kinauukulang ahensiya ng gobyerno.
“Because of the scope of problem areas that [have] been hit by Tino and will be hit by Uwan... There was a proposal from the NDRRMC which I approved that we declare a national calamity,” sabi ni Marcos.
''There will be almost 10 regions, 10 to 12 regions that will be affected. So pagkaganoong karami, ganoon ang scope, then it is a national calamity... that gives us quicker access to some of the emergency funds,'' dagdag niya.
Patuloy ang mga relief operation para sa mga apektado ng bagyo, sabi pa ni Marcos.
Inihayag din niya na naghahanda na ang gobyerno para sa susunod na inaasahang bagyo na posibleng pumasok sa bansa sa weekend.
Ayon sa pangulo, tinutukoy na ng gobyerno ang bilang ng mga tauhan na itatalaga para sa paparating bagyo na may international name na Fung-Wong (lokal name: Uwan) kapag pumasok na ito sa Philippine Area of Responsibility (PAR).
Samantala, ikinalungkot ni Marcos ang bilang ng mga namatay sa gitna ng pananalasa ni Tino.
''Unfortunately the casualty count is very high. Marami tayong deaths na na-suffer,'' anang Pangulo.
''I do not want to give a number because we are still in the process of validating all the numbers about the damages, the number of people who have been displaced, the number of families that are under evacuation centers,'' dagdag ni Marcos.
Death toll
Bago nito, iniulat ng Office of Civil Defense (OCD) na umakyat na sa 114 ang mga nasawi at 127 ang nawawala kasunod ng pananalasa ng Bagyong Tino.
Sinabi ng deputy spokesperson ng OCD na si Diego Mariano sa mga reporter na mula sa Cebu Province na umabot sa 71 ang karamihan sa mga nasawi:
- Antique - 1
- Capiz - 1
- Iloilo - 1
- Bohol - 1
- Cebu - 71
- Leyte - 1
- Southern Leyte - 2
- Negros Occidental - 18
- Negros Oriental - 12
- Agusan del Sur - 6
Missing
- Cebu - 65
- Negros Occidental - 62
Mga sugatan
- Cebu - 69
- Leyte - 2
- Southern Leyte - 1
- Negros Occidental -7
Samantala, iniulat ng Agence France-Presse (AFP) ang bilang ng mga namatay sa 140 katao.
Ayon sa ulat nito, kinumpirma ng national civil defence office nitong Huwebes na 114 ang naiulat na namatay, bagama't hindi kasama sa bilang na iyon ang karagdagang 28 na naitala ng mga awtoridad ng probinsya ng Cebu.
Sa Liloan, isang bayan malapit sa lungsod ng Cebu, may 35 bangkay ang narekober mula sa mga binahang lugar. Nakita rin ng mga mamamahayag ng AFP na magkakapatong pa rin ang ilang sasakyan na tinangay ng tubig-baha.
Power outage
Samantala, humigit-kumulang 1.4 milyong kabahayan ang wala pa ring kuryente sa Visayas.
Sinabi ng Department of Energy (DOE) na maaaring katumbas ng humigit-kumulang pitong milyong residente ang bilang ng mga apektadong koneksyon, na patuloy na nakararanas ng pagkaantala ng kuryente dahil sa masamang panahon.
Batay sa datos mula sa National Electrification Administration (NEA) na noong 2 p.m. ng Nobyembre 4, 2025, may kabuuang 53 electric cooperatives ang naapektuhan ng Tino.
Matatagpuan sa 10 rehiyon ang mga apektadong electric cooperatives, kabilang ang Calabarzon, Mimaropa, Bicol, Western Visayas, Central Visayas, Eastern Visayas, Zamboanga Peninsula, Northern Mindanao, Caraga at Negros Island.
Sa 53 apektadong electric cooperative, 17 ang nasa normal na operasyon, habang 24 ang nakakaranas ng bahagyang pagkaantala at siyam ang patuloy na nahihirapan mula sa kabuuang pagkaantala ng kuryente. Samantala, hindi bababa sa tatlong electric coop ang hindi pa nag-uulat ng kanilang kalagayan.
Iniulat naman ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) na hanggang 5 p.m. ng Nobyembre 5, 2025, apat na linya ng kuryente na may 69 kilovolt (kV), isang 138 kV at isa pang 230 kV ang hindi pa rin magagamit. – Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News
