Sa kulungan ang bagsak ng tatlong magkakaibigan dahil sa pakikipag-away at panunutok ng baril sa isang lalaki sa Barangay Holy Spirit, Quezon City. Ang ugat umano ng away, ang pagtutol ng biktima sa pagiging boyfriend ng isa sa mga suspek sa kakilala niya.

Sa ulat ni GMA Integrated News reporter James Agustin sa Unang Balita nitong Biyernes, makikita ang isang lalaki na bumaba mula sa minamanehong motor at saglit na pumasok sa kaniyang bahay sa bahagi ng San Simon Street.

Ilang saglit pa, dumating ang ilang magkakaibigan sakay ng dalawang motorsiklo.

Pagkalabas ng lalaki, lumapit sa kaniya ang magkakaibigan, at humantong ito sa komprontasyon at pisikalan. Hanggang sa naglabas ng mga baril ang dalawa sa magkakaibigan at itinutok ito sa lalaki.

Agad namang nakaresponde ang mga taga-barangay at operatiba ng Holy Spirit Police Station.

“Pagkatapos na ihatid ng complainant 'yung boyfriend ng pamangkin ng kinakasama niya, ilang sandali lang bumalik itong boyfriend ng pamangkin ng kinakasama niya kasama na po 'yung mga kaibigan ito,” sabi ni Police Lieutenant Colonel Jefry Gamboa, Holy Spirit Police Station commander.

“Pagkatapos po nagkaroon ng alitan, komprontasyon, doon na po nagkainitan 'yung magkabilang panig at doon na siya binunutan at tinutukan ng baril,” ayon pa kay Gamboa.

“Base po roon sa pagtanong-tanong natin doon sa complainant, ayaw po ng pamilya nila doon sa boyfriend po ng pamangkin nila. Kaya hindi siguro tanggap nitong boyfriend kaya nagkaroon po ng ganong insidente,” dagdag ni Gamboa.

Nadakip ng pulisya sa lugar ang 20-anyos na boyfriend at ang kaibigan niyang 23-anyos na nahulihan ng .38 na baril na kargado ng mga bala.

Nahuli naman sa follow-up operation ang 26-anyos na kaibigan na nakuha na ng .45 na gun replica.

Lumalabas na hindi lisensiyado na magkaroon ng baril ang mga inaresto.

Tumangging magbigay ng panig ang 20-anyos at 26-anyos na mga suspek.

“Sa korte na lang po natin pag-usapan sir,” sabi naman ng 23-anyos nilang kaibigan.

Mahaharap ang mga naaresto sa reklamong grave threat. May dagdag na reklamong physical injury ang 20-anyos, habang ang dalawa pa niyang kaibigan ay reklamong paglabag sa Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act. — Jamil Santos/RSJ GMA Integrated News