Patay ang isang 53-anyos na lalaking guro matapos siyang pagbabarilin ng dalawang salarin na sakay ng motorsiklo sa Rosales, Pangasinan.
Sa ulat ni Jewel Fernandez sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Huwebes, sinabing nangyari ang krimen sa Barangay Carmay East noong Martes habang pauwi na ang biktima.
Ayon sa pulisya, sakay ng motorsiklo ang biktima at pauwi na mula sa Sta. Maria, Pangasinan. Sinundan umano ng mga salarin ang guro hanggang sa mangyari na ang pamamaril.
Hindi na umabot nang buhay sa ospital ang biktima, habang nakatakas naman ang mga salarin.
“Nagkaroon na rin tayo ng imbestigasyon doon sa workplace niya para ma-determine natin kung meron ba siyang nasagasaan doon, para makita natin, makonek natin diyan sa pamamaril. And then tinitingnan din natin iyong angulo within sa kaniyang pamilya,” ayon kay Police Major Noel Cabacungan, hepe ng Rosales Police Station.
Tumanggi naman ang mga kaanak ng biktima na magbigay ng pahayag, ayon sa ulat.
Patuloy naman ang imbestigasyon ng mga awtoridad para matukoy ang pagkakakilanlan ng mga salarin.—FRJ GMA Integrated News
