Limang dam sa Luzon ang nagbukas ng ilan sa kanilang mga gate nitong Linggo dahil sa harap ng banta ng Super Typhoon “Uwan” (international name: Fung-Wong), ayon sa datos mula sa PAGASA.

Ang Angat Dam sa Norzagaray, Bulacan, may tatlong bukas na gate na may taas na 4.0 metro bandang 8:00, at nagpapakawala ng 462.0 cubic meters ng tubig kada segundo (cms).

Nasa 208.95 metro ang antas ng tubig sa reservoir (RWL) nito dakong 8:00 am, halos malapit na sa normal high water level (NHWL) na 210 metro.

Ang Ipo Dam, na nasa parehong bayan ng Norzagaray, may tatlong bukas na gate din noong Linggo ng umaga. Bukas ang mga gate sa 3.0 metro, at nagpapakawala ng tubig na 406.9 cms.

Nasa 100.05 metro ang RWL ng Ipo Dam dakong 8:00 am, mas mababa ng halos isang metro sa NHWL nitong 101.10 metro.

Sa Benguet, parehong may dalawang bukas na gate ang Ambuklao at Binga Dams.

Ang Ambuklao Dam sa bayan ng Bokod, may dalawang gate na bukas sa 1.0 metro, at nagpapalabas ng tubig na 149.48 cms.

Noong 8:00 am, ang RWL ng Ambuklao ay 749.48 metro, habang ang NHWL nito ay 752 metro.

Ang Binga Dam sa bayan ng Itogon ay may dalawang gate na bukas sa 1.0 metro, na nagpapalabas ng 163.27 cms ng tubig.

Nasa 573.20 metro ang RWL nito, habang ang NHWL ay 575 metro.

Samantala, ang Magat Dam na matatagpuan sa hangganan ng mga lalawigan ng Ifugao at Isabela (sa bayan ng Ramon), ay may dalawang gate na bukas sa 4.0 metro nitong Linggo ng umaga, at nagpapalabas ng 894.5 cms ng tubig.

Ang RWL ng Magat Dam ay 183.45 metro dakong 8:00 am, habang ang NHWL nito ay 193 metro.

Napanatili ni  Uwan nitong Linggo ng umaga ang lakas nito habang patuloy na tinatahak ang direksyon patungong kalupaan ng Luzon.

Base sa 11 a.m. cyclone bulletin ng PAGASA, nakataas ang Signap No. 5 sa:

  •     central portion ng Aurora (San Luis, Baler, Maria Aurora, Dipaculao);
  •     Polillo Islands;
  •    northern portion ng Camarines Norte (Daet, Talisay, Paracale, Vinzons, Jose Panganiban, Mercedes, Basud);
  •    eastern portion ng Camarines Sur (Siruma, Caramoan, Garchitorena, Tinambac, Lagonoy); at
  •     Catanduanes.

--Joviland Rita/FRJ GMA Integrated News