Dalawang magkaangkas sa isang motorsiklo ang nasawi, habang isa pa ang sugatan matapos silang sumalpok sa isang nakahintong truck sa Manjuyod, Negros Oriental.

Sa ulat ng GMA Regional TV sa Balitanghali nitong Miyerkoles, sinabing naganap ang insidente sa Barangay Alangilanan.

Lumabas sa imbestigasyon na tatlo ang nakasakay ng motorsiklo.

Iiwas na sana ang rider sa isang early warning device ng nakahintong truck sa national highway, pero nawalan siya ng kontrol sa motorsiklo at bumangga sa truck.

Patuloy na nagpapagaling sa ospital ang isa pang angkas sa motorsiklo.

Sinabi ng pulisya na walang suot na helmet ang tatlo at mga nakainom umano.

Sinusubukan pang kunan ng panig ang driver ng truck na nasa kustodiya na ng pulisya.—Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News